KABILANG sa mga hakbanging pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) para sa eleksiyon sa 2016 ay ang pagpapaskil sa website nito ng resulta ng botohan sa bawat presinto sa bansa. Tiyak na malugod itong susuportahan ng mga nangangamba na magkakaroon ng dayaan sa pagpapadala ng resulta ng eleksiyon mula sa presinto patungo sa municipal center.
Sa lumang sistema ng manu-manong pagbilang sa mga boto, buong komunidad ang nakasubaybay habang isinusulat sa blackboard ng mga gurong nangangasiwa sa mga voting precinct ang binibilang na boto. Nang simulan ang automated elections noong 2010, madali na lang na tinutukoy ng mga makina ang bilang ng mga boto para sa bawat kandidato bago inililipat ang mga resulta sa municipal center, na nagpapadala naman nito sa national canvassing center.
Sa halalan noong 2010 at 2013, may mga akusasyon na ang ilan sa mga taya na binilang sa mga municipal center ay posibleng hindi nagmula sa mga precinct machine kundi sa ibang sources. Ang pangambang ito ay sinuportahan ng mga ulat na ang ilang resulta ng botohan ay atrasado nang naipadala sa mga tallying center.
Ang pagsasapubliko sa resulta ng botohan sa bawat presinto ay makakatulong upang mapawi ang pangamba at mga suspetsa. Maaaring ikalap ng mga kampo ng bawat kandidato ang resulta ng mga boto mula sa lahat ng presinto, pagsama-samahin ang mga ito, at ikumpara sa opisyal na bilang na ilalabas ng Comelec. Ito rin ang bilang na ipadadala sa national canvassing center para sa mga kandidato sa pagkapresidente, bise presidente, at senador.
Sinisikap ngayon ng Comelec na matiyak na maikakasa ang lahat ng kinakailangang pag-iingat para sa eleksiyon. May source code para sa mga makina, isang source code para sa management system, at isang source code para sa consolidated canvassing system. Layunin ng lahat ng code na ito, ngayon ay nakalagak sa Bangko Sentral ng Pilipinas, na masigurong ang lahat ng boto ay makikilala, maitatala, mabibilang, matataya, at maipadadala.
Maaaring makagawa ng paraan ang ilang computer expert upang mapakialaman ang proseso sa loob ng voting machine upang paboran ang isang kandidato, ngunit sa plano ng Comelec na isapubliko ang mga resulta ng botohan sa bawat presinto ay magkakaroon ng paper trail na matutunton sa alinmang imbestigasyon at masusuri ng isang information technology (IT) professional.
Makatutulong din kung ang Comelec, bukod sa ipapaskil sa website ang resulta ng botohan sa bawat presinto, ay agad na ihahayag sa mismong voting center ang bilang ng mga boto pagkatapos ng halalan. Makadadagdag ito sa pakiramdam ng komunidad na nakibahagi ito sa proseso ng eleksiyon, hindi lamang sa pagboto, kundi sa pag-alam sa resulta ng botohan sa mismong presinto, na magpapakita kung paano ang isinagawang paghahalal.