Matapos ilaglag ng dambuhalang shoemaker na Nike dahil sa kontrobersiyal niyang pahayag tungkol sa LGBT community, umani ng papuri ang world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa pag-endorso niya sa mga sapatos na gawa sa Marikina City.
Kasabay nito, naging viral na rin sa social media ang isang panayam sa telebisyon kay Pacquiao hinggil sa pananaw niya sa same sex marriage, at iginiit ng mga netizen na nilinlang sila ng mga naglabas ng isang bahagi lang ng video kaya pinutakte ng batikos ang kongresista.
Sinabi ni Marikina City Mayor del De Guzman na walang masama sa paggamit ni Pacquiao sa kanyang popularidad upang ipagmalaki ang mga produktong gawa ng Pinoy, lalo na ang mga sapatos mula sa siyudad.
“It’s a welcome proposal. And not only Marikina shoes but other local products, as well,” pahayag ni De Guzman nang tanungin sa kanyang komento sa kahandaan ni Pacquiao na inendorso ang Marikina footwear kapalit ng Nike.
Ito ay matapos tuldukan ng Nike ang multi-milyong pisong dolyar na endorsement contract ni Pacquiao kasunod ng umano’y pang-iinsulto ng boxing legend sa LGBT community sa isang panayam sa telebisyon.
Subalit iginiit din ng source mula sa kampo ni Pacquiao na natapos na ang kontrata nito sa Nike dalawang taon na ang nakararaan.
Bagamat aminado ang source na hindi pa tumatanggap ng ano mang endorsement contract ang kongresista sa ano mang produkto na gawang Pinoy, handa naman ang kampo ni Pacman na ipagmalaki ang mga sapatos galing sa Marikina, na kilala sa buong mundo dahil sa kalidad at magandang disenyo.
Humirit naman si Rep. Marcelino Teodoro, katunggali ni De Guzman sa pagkaalkalde sa eleksiyon, na hindi awtomatikong magiging mabili ang mga produkto kapag ito ay inendorso ng mga celebrity, tulad ni Pacquiao.
“As studies have shown, effective product endorsement entails a match between the brand being endorsed and the endorser,” ani Teodoro. “Marikina footwear, being a local industry, may be effectively endorsed by someone who is from the locality itself where the product is made.” (BEN ROSARIO)