Mahigpit na ipinag-utos ng isang hukom na ilipat sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at ang Chinese na si Yan Yi Shou mula sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
Ito ang ipinalabas ni Judge Lyn Ebora Cacha, ng Quezon City Regional Trial Court Branch 82.
Ayon kay PNP AIDG Spokesperson Insp. Roque Merdeguia, nakahanda silang sumunod sa utos ng korte.
Sa limang-pahinang resolution ni Cacha, inatasan niya ang PNP-AIDG at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ilipat ng detention cell si Marcelino habang dinidinig ang petition for bail nito.
Ngunit sinabi ni Merdegia na maaari naman itong magbago kapag naisampa na sa korte ang mga kaukulang kaso laban sa dalawa na kinabibilangan ng paglabag sa Section 8 na possession of dangerous drugs, Section 11 on manufacturing, at Section 26 na may kinalaman sa conspiracy, ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sina Marcelino at Shou ay pansamantalang ikinulong sa Camp Bagong Diwa noong Enero 29 subalit hiniling ng kampo nila na ilipat ang Marine official sa PNP Custodial Center upang matiyak ang kanyang kaligtasan. (Fer Taboy)