Hinamon kahapon ng Malacañang si Vice President Jejomar Binay na maglabas ng ebidensiya sa alegasyon nitong may kakayahan ang administrasyon na manipulahin ang resulta ng eleksiyon sa Mayo 9.

Iginiit ni Presidential Communications Undersecretary Manuel Quezon III na maituturing na “black propaganda” ang alegasyon ni Binay laban sa gobyernong Arroyo dahil takot umano ito sa sariling anino.

“Well, of course, the Vice President would say that because nakikita niya naman na habang lumilitaw ang iba’t ibang mga ebidensiya—nakita natin ang desisyon ng Ombudsman na ibinalita kahapon about the former mayor of Makati, the son of the Vice President—na hindi talaga nila maisasantabi o maiilagan ang katotohanan na may mga seryosong alegasyon at hindi ito hinaharap dati at ito ang nangyayari ‘pag may masusing imbestigasyon ng isang independiyenteng opisyal at tanggapan namely the Ombudsman,” pahayag ni Quezon.

Ayon sa opisyal ng Malacañang, dapat na alamin muna ni Binay ang katotohanan bago magbato ng alegasyon kanino man dahil ang bise presidente man, aniya, ay may kakayahang mandaya sa eleksiyon dahil sa malawak na makinarya ng partido nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inihayag din ni Quezon, apo ng dating Pangulong Manuel L. Quezon, na maraming oportunidad na ang nasayang ni Binay upang maihayag ang panig nito hinggil sa patung-patong na alegasyon ng katiwalian na kinahaharap nito.

“At the same time, he also knows fully well as a lawyer how the system works—that it is independent, that the Ombudsman takes no sides except the side of the evidence and where it leads,” paliwanag ni Quezon.

“Therefore, ‘yon na lang kumbaga ang makakapitan niyang conspiracy theory para mailagan pa ang talagang konklusyon na hindi niya mae-eskapo,” dagdag ng opisyal. (MADEL SABATER NAMIT)