BUTUAN CITY — Dumating sa takdang oras ang host na Team Cycleline-Butuan, ngunit hindi rin nakasali sa 158.32 kilometrong Stage One ng 2016 Ronda Pilipinas Mindanao Leg na napagwagian ni Ronald Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance na nagsimula at nagtapos malapit sa Butuan City Hall.

Tila nagpakita lamang sa starting line ang Team Cycleline Butuan na binubuo nina 2014 Ronda Pilipinas champion Riemon Lapaza, Cezar Lapaza, Jade Lopez, Gilbert Enarciso, Lito Patayan, James Ebora at Jay Ian Leduma dahil hindi rin sila pinakarera.

Ang dahilan mali ang bisikletang dala ng grupo na galing sa isang karera sa Zamboanga City. Imbes na road race bike, mountain bike ang karay-karay ng grupo.

Una nang binigyan ng pagkakataon ng nag-organisang LBC at LBC Express ang Team Butuan-Cycleline nang maki-usap ang mga ito bunsod nang hindi inaasahang pagkamatay ng dalawang miyembro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bagaman dumating, hindi naman naaayon ang bitbit na bisikleta ng mga miyembro ng host city para sa open pro category na naging dahilan upang tuluyang idiskuwalipika ng mga namamahala sa karera na nasa ikaanim na sunod na taon.

“We welcome all of the riders who have joined and participated in our race that offers the biggest purse in the land, we thank you all, and to those who decided not to participate, we hope to see you in the near future,” pahayag ni LBC Sports Development Head at Ronda Pilipinas chief organizer Moe Chulani.

Ipinamalas naman ng Philippine Navy-Standard Insurance ang mataas na antas at kalidad matapos okupahan ang walo sa unang 10 puwesto sa open pro category tampok ang 1-2-3 finish nina Oranza, John Paul Morales at Daniel Ven Carino.

Itinala ni Oranza ang tiyempong 4:04:15.01 kasunod si Morales sa 4:04:15.09 at Carino sa 4:04:15.32s. Ika-apat si Lloyd Reynante (4:04:16.02) habang ika-lima si Joel Calderon (4:04:16.66). Ika-anim si Jhon Mark Camingao (4:04:24.81), pampito si Rudy Roque (4:04:25.16) at ika-walo si Eljoshua Carino (4:04:29.91).

Nasa ika-siyam si James Paolo Ferfas ng Team LCC Lutayan na mula sa South Cotabato sa 4:17:49.82 at nakumpleto ni Peter Gregorio mula sa Davao City ang top 10 sa oras na (4:20:38.82).

Tampok din sa pinakamalaking karera sa bansa ang naggagandahan na babaeng riders na binubuo nina Jermyn Prado, Christine Villamor, Lyzie Hermoso, Charisse Anino, Cherry Gerona, Carmela Sumicad, Arbelle Betia at Rhea Jamisola gayundin ang mahigit sa 100 siklista na sumali sa executive race. (ANGIE OREDO)