Sinampahan na ng kasong administratibo ang apat sa anim na prison guard ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa mga bilanggo sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob ng pambansang piitan.
Ito ang inihayag kahapon ni NBP Supertintendent Richard Schwarzkopf Jr., subalit hindi naman pinangalanan ang apat na prison guard na kinasuhan habang nagpapatuloy ang pagdinig sa nasabing kaso.
Matatandaang nadiskubre ang mga nakatagong cellular phone ng ilang inmate sa mga drawer sa loob ng patrol office ng NBP sa ikinasang inspeksiyon ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) noong Disyembre 2015.
Ayon kay Schwarzkopf nabigo ang mga prison guard na ipaliwanag kung bakit ang mga natagpuang gadget ay nasa kani-kanilang drawer at hindi nai-turn over agad sa Security Patrol Unit.
Ang mga kinasuhang prison guard ay nakatalagang magmando sa Buildings 1 at 2 sa Medium Security Compound, Security Patrol Unit-Inmate Custodial Aide, Reception and Diagnostic Center, at Prison Inmate Labor Contract Officer (PILCO).
Kinasuhan ang apat na prison guard ng paglabag sa Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Gayunman, nilinaw ni Schwarzkopf na hindi pa sinisibak sa puwesto ang mga kinasuhang prison guard at tumatanggap pa rin sila ng suweldo pero inilipat na sa escort group. (Bella Gamotea)