BUTUAN CITY – Naibigay sa Philippine Navy-Standard Insurance ang bansag na “team to beat” matapos ang hindi inaasahang pag-atras ng host Team Butuan-Cyclelane bago ang pagratsada ng 2016 LBC Ronda Pilipinas Mindanao stage ngayon.
Pinangungunahan ni 2014 champion Reimon Lapaza ang Team Butuan.
Ayon sa race organizer, nagpasabi ang pamunuan ng Team Butuan sa isang text message na hindi na sila makakalahok sa karera bunsod ng pagkasawi nang kanilang dalawang miyembro.
Ngunit, ayon sa isang opisyal na tumangging magpakilala, hindi nakalahok ang koponan dahil sumali umano ang Team Butuan sa isang paligsahan sa Zamboanga City na may premyong P5,000.
“We’re still waiting for the team and for an official confirmation,” pahayag ni Ronda Pilipinas chief organizer Moe Chulani.
“They sent a text message that they could not join because two of their members died. It is up for them because we are here in their own city not for us but for them and for the development of cycling as a whole,” aniya.
Inaasahan na ipagtatanggol ni Lapaza ang korona at ang pride ng host city, subalit taliwas ang nangyari.
Sa kasalukuyan, nakahanda na ang mga kalahok, kabilang ang Davao habang inaasahan din ng nag-organisang LBC at LBC Express ang mga riders mula sa Iloilo, Cebu, General Santos at Cagayan De Oro.
Nauna nang dumating ang Standard Insurance-Philippine Navy na pinamumunuan nina Lloyd Reynante at Ronald Oranza.
Nakataya sa karera ang kabuuang P150,000 sa overall individual kung saan nakataya ang P50,000 kada Stage sa Open Pro habang ang tatanghaling Petron Local Hero ay mag-uuwi ng P25,000 na hindi pa kasama ang mapagwawagihan ng Stage winner na local rider sa bawat karera na may nakalaang P5,000.
Ang MVP local Leader of the Day ay may P5,000 at ang ASG Sprint ay may P3,000 premyo. Ang Mitsubishi King of the Mountain ay mag-uuwi naman ng P5,000 kada yugto.
Ang Navy-Standard Insurance ay pinamumunuan ng team captain na si Lloyd Lucien Reynante kasama sina Joel Calderon, Ronald Oranza at Jan Paul Morales habang ang LBC squad ay bibitbitin ni Ronnel Hualda.
Umaasa si Chulani na magkakaroon ng sorpresa sa ikaanim na edisyon ng Ronda Pilipinas na itinataguyod ng LBC at LBC Express at sanctioned ng PhilCycling kasama ang Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp. Maynilad at NLEX. (ANGIE OREDO)