Umaasa ang Partido Galing at Puso (PGP) ni Senator Grace Poe na double-digit ang itataas ng popularity ratings ng senadora kapag nagbaba ang Korte Suprema ng desisyon nito sa mga kaso ng diskuwalipikasyon na papabor sa independent presidential candidate.

Sinabi ni Cebu Rep. Joseph Ace Durano, campaign manager ng PGP, na pinaghahandaan na nila ang 10-percentage point na pagtaas ng popularity ratings ni Poe kapag pumabor ang desisyon ng Supreme Court (SC) laban sa pagdidiskuwalipika sa senadora.

“We are expecting plus ten (increase), mayroong survey na ganoon,” sinabi ni Durano sa mga mamamahayag nang tanungin kung makaaapekto ba sa survey ratings ni Poe sakaling papabor sa huli ang magiging desisyon ng SC.

Pormal nang tinapos ng kataas-taasang hukuman nitong Martes ang oral arguments sa mga petisyon para madiskuwalipika si Poe sa pagkandidatong pangulo sa Mayo 9.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“I think we will get the increase equally from the candidates. As we go around, we see supporters for now na ang puso nila is for Grace, but they are just awaiting the Supreme Court decision. So ‘yung feeling ko anoman ‘yung increase manggagaling sa lahat,” sabi ni Durano.

Sa huling Social Weather Stations (SWS), nasa ikalawang puwesto si Poe, bagamat siya ang nanguna sa huling presidential surveys ng Pulse Asia at Laylo.

Dumulog si Poe sa SC kaugnay ng pagkansela ng Commission on Elections (Comelec) en banc sa kanyang certificate of candidacy (CoC) dahil sa kuwestiyoanble ang kanyang pagiging natural born Filipino, bukod pa sa kulang umano sa 10 taon ang residency requirement niya. (CHARISSA M. LUCI)