Sumumpang “not guilty” si dating Isabela Governor Maria Gracia Cielo “Grace” Padaca sa lahat ng kasong inihain laban sa kanya kaugnay ng kabiguan niyang maghain ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2007 hanggang 2010, noong hawak pa niya ang puwesto.
Kandidatong independent para gobernador, sumailalim si Padaca sa arraignment proceedings sa Sandiganbayan Second Division para sa four counts ng paglabag sa Section 8 na may kaugnayan sa Section 11 (a) ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713).
Inatasan din ng tribunal nitong Huwebes ang mga partido sa kaso na magsumite, sa loob ng 30 araw, ng kani-kanilang pre-trial briefs.
Itinakda ng korte ang preliminary conference sa Marso 29 at ang pre-trial sa Mayo 23 at 24.
Samantala, inamin ni Padaca na isang presidential candidate ang nanliligaw sa kanyang endorsement.
“Merong kumakausap pero hindi pa ako makapagdesisyon,” sabi ni Padaca, na tinanggal sa Liberal Party.
(Jeffrey Damicog)