Sinabi ng isang kilalang election lawyer na hindi maaaring maging dahilan ang laban ng world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao kay Timothy Bradley sa Abril 9 para idiskuwalipika ang kongresista bilang kandidato sa pagkasenador sa eleksiyon sa Mayo 9.

Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, walang probisyon sa election laws na magbibigay ng dahilan sa alinmang reklamo para madiskuwalipika si Pacquiao dahil sa nasabing boxing event—na sinasabing huling laban na rin sa ring ng isa sa pinakamahuhusay na boksingero sa kasaysayan.

“If there is any violation of election laws, a criminal complaint has to be filed and it is only after conviction of said offense that a candidate could be disqualified to seek public office either by election or appointment,” saad sa pahayag ni Macalintal.

Walang election offense case na maaaring ihain laban kay Pacquiao, ayon kay Macalintal, dahil wala namang probisyon na nilalabag ang kongresista na magba-validate sa paghahain ng kasong kriminal laban dito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

At sakali man na may paglabag, ayon kay Macalintal, hindi ito maaaring ihain laban kay Pacquiao dahil sa Las Vegas sa Amerika gagawin ang laban.

Sinabi rin ni Macalintal na hindi rin maaaring papanagutin ang mga media company na magsasahimpapawid sa nasabing “newsworthy and historical” event. (Leslie Ann G. Aquino)