Nasa Mexico ngayon si reigning World Boxing Federation (WBF) Asia Pacific flyweight champion Jether “The General” Oliva para sumabak laban kay dating WBC light flyweight champion na si Pedro “Jibran” Guevarra sa Linggo.

 

Kakasa si Oliva (23-4-2, 11 knockouts) kay Guevarra (26-2-1, 17 knockouts) sa 112 lbs. division sa Mazatlan, Sinaloa.

Ito ang pangalawang pakikipagsalpukan ni Oliva sa Mexico. Sa kanyang unang pagdayo, pinatulog si Oliva ni Mexican Luis Nery sa 4th round sa kanilang sagupaan sa Centro De Convenciones sa Rosarito, Baja California noong Pebrero 28.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

 

“It was not a good decision for us to allow Oliva to fight not in his division. His opponent was too big for him,” pahayag ni Jim Claude Mananquil, manager ni Oliva sa PhilBoxing.com.

 

Ngunit, aniya, bahagi ito ng kanyang pagpupursige na umangat sa sports. Galing si Oliva sa 3rd round technical knockout win kay Ryan Ralozo ng Cagayan de Oro sa BS Gym, Lanao del Norte.

 

Subalit minalas ang 28 anyos na si Oliva nang madaya siya sa kanyang laban kay Zolani Tete ng South Africa para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) Africa Super Flyweight title noong Disyembre 18 sa Orient Theatre, East London, Eastern Cape.

 

Hindi naman nag-aalala si Manangquil tungkol sa kondisyon ni Oliva dahil nagsasanay na ito sa pagsisimula pa lamang ng Enero dahil may nauna na siyang plano at ito ay lumaban kay Fernando Ocon sa undercard ng Brawl at the Mall: Glory kamakailan sa Gaisano Mall Atrium sa General Santos City.

“Oliva is in top shape and is now only two pounds over the weight limit,” sambit ni Mananquil.

 

Kagagaling lamang ni Guevarra, 26, sa kanyang bigong pagtatanggol ng WBC light flyweight title kay Japanese Yu Kimura sa bisa ng split decision noong Nobyembre 28 sa Xebio Arena sa Sendai, Miyagi, Japan. Dati ring hawak ni Guevarra ang WBC Silver at NABF Light Flyweight belts. (Gilbert Espeña)