MALUWAG sa dibdib na tinanggap ni Cong. Manny Pacquiao ang desisyon ng Nike na alisin siya bilang endorser ng brand. Desisyon daw nila ‘yun at kanyang inirerespeto. Pero, nilinaw niyang nagtapos na ang kanyang endorsement contract sa Nike noon pang 2014, kaya sponsorship na lang ang pinutol na ugnayan nila.
Wala na raw money involved sa pagitan nila ng Nike na bilang sponsor, isinusuot at ginagamit niya tuwing may laban siya. Kaya sa laban nila ni Bradley sa Abril, asahang ibang brand na ng t-shirt (papasok sa venue), shorts, shoes at wristband ang kanyang isusuot.
May mga nagsa-suggest na pati local endorsement ni Manny ay alisin na rin siya, pero hindi naman siguro gagayahin ng local ad agencies at companies ang ginawa ng Nike.
Nag-aaway-away sa Instagram ang pro Manny at against Manny. Filipinos at foreigner fans niya ang nagbabalitaktakan, may mga nagmumura at may nagko-quote rin ng Bible verses.
Kung binabasa ni Manny ang maraming comments sa IG posts niya, siguradong mata-touch siya sa comment ng nine-year-old boy na may account name na emiloiisdbg06. Sabi nito: “God bless you champ I’m with you and I’m only 9 years old to understanf life.”