GENERAL SANTOS CITY – Nasa 1,000 pasahero ang na-stranded matapos sumiklab kahapon ang isang grassfire sa international airport dito.
Kinansela ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga paparating at papaalis na flights matapos sumiklab ang grassfire sa runway ng General Santos International Airport, malapit sa administration building ng CAAP, pasado 8:00 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Dante Fernandez, CAAP administrative officer, na nagsimulang magliyab ang damo sa labas ng paliparan nitong Huwebes ng gabi, ngunit kumalat ito at umabot na sa runway kinaumagahan.
Pasado 11:00 ng umaga na nakontrol ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Filipino-Chinese Fire Volunteers Brigade ang grassfire.
Ayon kay Fernandez, ang Philippine Airlines flight 454 na nakatakdang lumapag sa General Santos International Airport ng 9:30 ng umaga, ay pinalipat sa Davao City. Lumapag ang eroplano sa paliparan ng siyudad dakong 12:30 ng tanghali.
Karamihan sa mga stranded na pasahero ay delegado ng ‘Science Nation Tour’ na inorganisa ng Department of Science and Technology (DoST) sa Central Mindanao, at ng National Secondary Schools Press Conference sa Koronadal City, South Cotabato. (Joseph Jubelag)