ANG Adoption Consciousness Week ay ginugunita tuwing ikatlong linggo ng Pebrero, alinsunod sa Proclamation No. 72 na ipinalabas noong Pebrero 3, 1999, na humihiling “[to] highlight the various issues on adoption and generate public awareness and support for the legal adoption program.” Ang tema sa paggunita ngayong taon ay “Legal na Ampon Ako:

Anak na Totoo”, na ipagdiriwang simula Pebrero 15 hanggang Pebrero 21, 2016.

Para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pag-aampon ay ang “socio-legal process of providing a permanent family to a child whose parents have voluntarily or involuntarily relinquished parental authority over the child.” Itinatakda ng Republic Act 8552, ang Philippine Domestic Adoption Act of 1998, ang mga panuntunan sa pag-aampon, inaatasan ang DSWD na magkaloob ng adoption counseling services para sa mga magulang na mag-aampon, sa aampunin, at sa mga tunay na magulang na kusa nang ipinauubaya ang kanilang mga karapatan sa kanilang anak.

Ang proseso ng legal na pag-aampon sa isang bata ay binubuo ng ilang hakbangin upang matiyak na kukupkupin ang bata sa isang pamilya na pinakamabuti para sa kanya. Sa buong panahon ng Adoption Consciousness Week, magkakaloob ang mga Adoption Help Desk, na pinangangasiwaan ng mga social worker at mga accredited child-placing agency, sa mga mall sa Metro Manila ng mga impormasyon sa proseso ng pag-aampon, mga requirement, mga benepisyo, at mga inaasahang epekto.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang mga batang pinabayaan, inabuso, inabandona, at may espesyal na pangangailangan ay maaaring legal na ampunin. Ang isang bata na hindi inaaruga ng kanyang mga magulang sa loob ng anim na buwan o higit pa ay idinedeklarang “abandoned child”. Ayon sa Philippine Orphanage Foundation, pinakamainam para sa kapakanan ng mahigit dalawang milyong bata sa mga ampunan at mga child care agency kung legal silang mailalagak sa pangangalaga ng bagong pamilya.

Ang mga ulilang walang tirahan ang pinakalantad sa pagkagutom, pagkakasakit, at mga krimen, na nakaaapekto hindi lang sa kanilang paglaki kundi sa pangkalahatan nilang pagkatao.

Ang legal na pag-aampon ang pinakamabuting paraan upang mabigyan ng tahanan ang mga naulila, inabandona, o pinabayaang paslit na nangangailangan ng pagmamahal, pag-aaruga, at proteksiyon ng isang pamilya. Tatanggapin ng mga mag-aampon na magulang ang pagpapala at kasiyahan na mag-alaga sa isang bata, habang makasisiguro naman ang mga tunay na magulang ng ipaaampon na nasa mas mabuting kamay ang kanilang mga anak.

Ang pag-aampon sa Pilipinas ay maaaring gawin sa mga accredited adoption agency at sa DSWD; sa sariling pamilya o kaanak; at sa mga pribado o independent na pag-aampon. Nagbabala naman ang DSWD laban sa ilegal o hindi nairerehistrong pag-aampon at pamemeke ng mga birth certificate, kaya hindi inirerekomenda ang direktang pag-aampon.

Hindi kasi nagiging prioridad ang kapakanan ng bata at hindi rin napahahalagahan ang legal na mga karapatan ng mga sangkot sa pag-aampon, bukod pa sa maaari ring magamit ng iba bilang modus operandi sa pagkita ng pera o pagsasamantala sa mga bata, ayon sa kagawaran.

Inirerehistro ng DSWD Rapid Family Tracing and Reunification Program ang mga batang naulila, partikular na ang mga nabiktima ng kalamidad. Ang mga pamilya at indibiduwal na umaako sa kostudiya ng naulilang bata ay maaaring maging mga foster family, at may makukuhang benepisyo alinsunod sa RA 10165, ang Foster Care Act of 2012. Para naman sa mga mag-aampon na nasa ibang bansa, ipinatutupad ng DSWD ang RA 8043, ang Inter-Country Adoption Act of 1995. Ginagawa lang ang inter-country adoption kung naisagawa na ang lahat ng paraan para maisakatuparan ang domestic adoption sa bata.