tour copy

DAET, Camarines Norte - Isang Kazahk rider sa katauhan ni Oleg Zaml Yakov ang nagwagi kahapon sa Stage Two at pinakamahabang yugto ng Le Tour de Filipinas 2016.

Mula sa Lucena City, nakipagratratan si Yakov para makasama sa 12-man lead group mula sa unang 120 kilometro ng kabuuang 204.82 kilometrong karera, bago kumalas ang 22-anyos sa huling 10 kilometro papasok ng finish line upang angkinin ang stage classification honor sa kabuuang oras na 5:08.48.

“It’s very hard for my team because of the very big difference in weather. When we trained for this race back in our country it’s winter then it’s so hot here,” pahayag ni Danniver Sergey head coach ng Kazakh team na siyang tumayong interpreter para kay Zaml Yakov.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Ito ang unang panalo ni Yakov na tubong North Kazahkstan matapos lumahok noong nakaraang taon kung saan siya ang tinanghal na Best Young Rider.

Pumangalawa kay Zaml Yakov ang kanyang kasangga sa Team Vino-4-Ever SKO na si Yevgenly Gidich na nahuli sa kanya ng 16 na segundo habang pumangatlo naman ang team skipper ng Philippine Continental Team na Seven Eleven Sava RBP na si Jesse James Ewart na nahuli sa kanya ng 20 segundo makaraang makatawid ng finish line sa tiyempong 5:09.04 

Tinanghal namang Best Filipino finisher ng karera si Seven Eleven rider Marcel Felipe matapos makatawid na pang-anim sa tiyempong 5:10.03.

“Talagang tiisan na lang po kasi pagod na talaga kami dahil naghabol kami dun sa pag-akayat sa Tatlong M kasi naiwan kami dun,” pahayag ng 25-anyos na siklista na tubong Llanera,Nueva Ecija na kabilang sa 12-man breakaway group kasama ng kanyang kakamping si Ewart.

“Nung nakita kong nakasabay si Ewart pagkatapos naming dumikit, pinabayaan ko na kasi sigurado naman akong may laban siya kasi malakas din sya sa patag,” ayon kay Felipe.

Dahil hindi natapos ang karera noong Stage 1, si Zaml Yakov ang siyang magsusot ng yellow jersey na simbolo ng overall individual leadership.

Bunga din ng 1-2 finish nilang dalawa ni Gidich, nakuha ng kanilang koponan na Vino-4-Ever SKO ang pamumuno sa team classification sa natipon nilang oras na 15:29.27, may 8 minuto at 16 na segundo ang layo sa pumangalawang Seven Eleven Sava RBP (15:37.53) at 8 minuto at 5 segundo naman sa pumangatlong Terrenganu Cycling Team ng Malaysia(15:38.35).

Nakuha ring tumabla ni Zaml Yakov sa kanyang kakamping si Zhandos Bizhigitov sa KOM lead matapos magkamit ng 10 puntos sa KOM stage sa Bitukang Manok sa Atimonan, Quezon.

Magpapatuloy ang karera ngayong umaga mula dito sa Daet hanggang Legaspi City sa Naga na binubuo ng distansiyang 185.79 na kilometro. (MARIVIC AWITAN)