KIDAPAWAN CITY – Isang dating alkalde na kandidato para maging punong bayan sa Banisilan, North Cotabato, ang binaril at napatay ng hindi nakilalang suspek habang nagpapagasolina sa bayan ng Wao sa Lanao del Sur nitong Huwebes ng tanghali, iniulat ng pulisya kahapon.
Agad na nasawi si Floro Gonzales Allado, 55, dating alkalde at kandidato sa Mayo 9 para mayor ng Banisilan, sa mismong gasolinahan sa Sitio Kapigis, Barangay Easter sa Wao, dakong 12:40 ng tanghali.
Ayon sa paunang imbestigasyon, galing sa kanyang bahay sa Banisilan si Allado at sakay sa kanyang Ford Everest para magtungo sa Cagayan de Oro City nang magdesisyon siyang magpagasolina muna sa kalapit na bayan ng Wao.
Bumaba mula sa sasakyan para magbayad sa booth ng gasolinahan, nilapitan si Allado ng suspek na lulan sa pulang Honda XR-200 motorbike at tatlong beses na binaril gamit ang isang .45 caliber pistol, ayon sa police report.
Ayon pa sa report, nabaril sa kaliwang bahagi ng mukha si Allado na nagmamadaling lumayo patakas, ngunit hinabol siya ng suspek at muling pinagbabaril.
Ang suspek ay inilawaran na may taas na 5’7”, nakasuot ng itim na bull cap, grey bonnet, sunglasses, itim na sweat shirt at itim na pantalon.
Sa isang report, sinabi ni Senior Insp. Jojie Barotas, hepe ng Banisilan Police, na si Allado ay kandidato para alkalde ng Banisilan, katunggali ang hipag niyang si Betty Allado.
Noong nakaraang taon, nakaligtas si Allado nang pasabugan ng granada ang kanyang bahay, ngunit nasawi ang dalawa niyang pinsan sa pagsabog. Isinisi niya ang insidente sa mga kaaway niya sa pulitika.
Sa isa namang online report, nakasaad na kinasuhan at nakulong si Allado noong 2006 dahil sa pamamaril sa apat na sibilyan sa Banisilan noong alkalde pa siya ng bayan.
Mariin namang kinondena ni North Cotabato Gov. Emmylou “Lala” Taliño Mendoza ang pagpaslang kay Allado, at inutusan si Senior Supt. Alexander Tagum na agad na isagawa ang imbestigasyon para mapanagot ang mga suspek.
(ALI G. MACABALANG)