GAYA ng pinangangambahan natin noong nakaraang buwan nang magsimulang bumulusok ang pandaigdigang presyo ng produktong petrolyo, libu-libong overseas Filipino worker (OFW) ang naaapektuhan ngayon sa tanggalan ng trabaho sa Saudi Arabia. Ayon sa Migrante International, na nagsusulong sa kapakanan ng mga OFW, may 50,000 manggagawang Pilipino sa mga proyektong konstruksiyon at industriyal ng gobyerno ng Saudi ang mawawalan ng trabaho sa susunod na buwan. Inihayag na rin ng pinakamalaking kumpanya ng langis sa bansa, ang Saudi Aramco, na magtatanggal ito ng 25 porsiyento ng mga empleyado ng kumpanya.

Nagsimula ang lahat nang bumaba ang pandaigdigang presyo ng langis na mula sa $120 kada bariles noong 2014 ay nasa $52 na noong 2015, bago bumulusok pa sa $28 noong nakaraang buwan. Dahil sa sumunod na minor adjustments, naitala sa $29 ang presyo para sa United States benchmark na West Texas Intermediate, at $32 para sa European counterpart nito.

May panandaliang pagtaas ang presyo nitong weekend matapos na magkasundo ang Russia at Saudi Arabia, ang dalawa sa pinakamalalaking producer ng langis sa mundo, na magpulong ngayong linggo. Pumayag silang pansamantalang itigil ang paglikha ng langis, ngunit dahil sa pakikipag-usap din sa Iraq at Iran ay nagkaroon ng mga pagbabago sa kasunduan. Pinayagan ang pagpapatigil ng pagsu-supply, ngunit ito ay sa kondisyong sasali rin sa supply freeze ang iba pang malalaking oil producers.

Sa kawalan ng determinadong aksiyon mula sa mga pangunahing producer ng langis sa mundo, posibleng patuloy na dumami ang supply ng petrolyo at manatiling mababa ang presyo nito. Inihayag na ng Saudi Arabia na nakapagtala ito ng record na budget deficit. Nasa recession naman ang ekonomiya ng Russia. At upang palalain pa ang sitwasyon, nagsimula na rin ang Iran—na hindi nakapagluwas sa nakalipas na tatlong taon—na maglabas ng petrolyo nito sa pandaigdigang merkado, kaya naman nadagdagan pa ang supply.

Ang malawakang tanggalan sa trabaho sa mga OFW sa Saudi Arabia ay simula pa lamang. Ang Saudi ay may isang milyong OFW—itinala ito ng Migrante sa dalawang milyon. Karamihan sa kanila, kabilang ang mga OFW mula sa mga bansang nagluluwas ng langis, ay magsisiuwian na.

Inihayag ng Malacañang at ng Department of Labor and Employment na handa ang gobyerno sa worst-case scenario.

Tiniyak ni Pangulong Aquino na may kakayahan ang gobyerno upang tanggapin sa trabaho ang mga Pilipinong manggagawa mula sa Gitnang Silangan. Gayunman, duda rito ang Migrante. Karamihan sa reintegration program ng gobyerno ay binubuo lang ng mga pagpapautang at isahang-beses na programang pangkabuhayan, ayon sa grupo.

Tunay na may matinding pangangailangan para sa isang emergency program para sa mga OFW na magsisiuwian na mula sa Gitnang Silangan. Bukod sa emergency plan na ito, dapat din na pag-aralang mabuti ng gobyerno ang umiiral nitong polisiya sa paghimok sa paghahanap-buhay sa ibayong dagat at lumikha ng isang pangmatagalang agricultural at industrial development program na magkakaloob ng disenteng trabaho para sa ating mamamayan sa sarili nating bayan.