Kinasuhan kahapon sa Sandiganbayan ang nasibak na si Makati City Mayor Jejomar “Junjun” Binay, Jr. at 12 iba pa kaugnay ng umano’y maanomalyang konstruksiyon ng carpark sa siyudad na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon.
Naghain ang Office of the Ombudsman laban sa anak ni Vice President Jejomar Binay ng dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at anim na bilang ng falsification of public documents sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code (RPC).
Inirekomenda naman ng Ombudsman na si Binay at ang bawat isa sa mga kapwa niya akusado ay magpiyansa ng P30,000 sa bawat bilang ng graft at P24,000 sa bawat kaso ng falsification. Kaya nangangahulugan itong aabot sa P204,000 ang ipipiyansa ng bawat isa sa kanila.
Pawang naging opisyal ng pamahalaang lungsod ng Makati ang iba pang kinasuhan na sina city administrator Marjorie De Veyra, acting city administrator Eleno Mendoza Jr., Bids and Awards Committee (BAC) vice chairperson Gerardo San Gabriel, legal officer Pio Kenneth Dasal, budget officer Lorenza Amores, BAC Secretariat head Manolito Uyaco, BAC technical working group chairman Rodel Nayve, Central Planning Management Office (CPMO) chief Line dela Peña, CPMO civil engineer Connie Consulta, treasurer Nelia Barlis, at accountant Cecilio Lim III.
Tanging si Efren Canlas, ng Hilmarc Construction Corporation, ang nag-iisang pribadong indibiduwal na kapwa akusado sa dalawang bilang ng graft. (Jeffrey C. Damicog)