CITY OF ILAGAN, Isabela - Sugatan ang isang mayor ng Isabela at isang tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng pulisya habang napatay naman ang pangunahing wanted sa Region 2, matapos ang shootout sa Barangay Bliss Village sa siyudad na ito, nitong Huwebes ng hapon.

Ayon kay Supt. Manuel Bringas, hepe ng Ilagan City Police, nasugatan makaraang tamaan ng shrapnel sina Ilagan Mayor Josemarie Diaz; at PO1 Elison Guillermo, matapos na maghagis ng granada si Honey Hidalgo, 36, binata, ng Bgy. Bliss sa siyudad na ito.

Aarestuhin sana si Hidalgo dahil sa kaso ng ilegal na droga, pero sa halip na sumuko ay dalawang beses itong naghagis ng granada, na ikinasugat nina Diaz at Guillermo.

Nasa lugar ang alkalde upang tumulong sa pakikipagnegosasyon kay Hidalgo; hinimok na sumuko na lang ang huli dahil armado ito ng mga granada.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nabaril naman ng mga pulis ang suspek, na ikinamatay nito.

Samantala, tiniyak naman ni Bringas na nananatiling tahimik ang siyudad, na pagdarausan ng isang sports event sa susunod na linggo. (Liezle Basa Iñigo)