MAGHAHARAP-HARAP na ang mga kandidato sa pagkapangulo ngayong Linggo, Pebrero 21, sa Pilipinas Debates 2016 at mapapanood ito nang live sa GMA-7. Dito patutunayan ng presidentiables kung sino sa kanila ang karapat-dapat na maging pinuno ng bansa.
Ang Kapuso Network ang maghahatid ng live feed ng presidential debate ng Commission on Elections (COMELEC) habang ito ay nagaganap sa Capitol University sa Cagayan de Oro City mula 5 PM hanggang 7 PM. Mapapakinggan din ang debate sa Super RadyoDZBB, at magkakaroon naman ng live streaming sa GMA News Online.
Nagpahayag na ng kumpirmasyon sa pagdalo ang lahat ng kandidato sa pagkapangulo na sina Vice President Jejomar Binay, Sen. Miriam Defensor Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe, at dating DILG Sec. Mar Roxas. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakasama-sama ang limang presidentiables sa isang debate. Bawat isa ay mabibigyan ng pagkakataon na talakayin ang ilan sa pinakamaiinit na usaping pambansa ngayon — ang peace and order, poverty reduction, at agrikultura.
Sina Mike Enriquez at Jessica Soho ang magsisilbing moderators ng nasabing debate at sasamahan sila ni John Nery mula sa Philippine Daily Inquirer. Layunin din ng debate na malaman ng taong-bayan ang posisyon ng bawat kandidato sa iba’t ibang patakaran ng pamahalaan kasama na ang kanilang kaalaman sa mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino.
Ang unang PiliPinas Debates 2016 na ihahatid ng GMA Network ay dadaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang lokal na sektor sa Mindanao kabilang na ang observers mula sa pangunahing media organizations sa Northern at Southern Mindanao.
Bukod sa Mindanao, magkakaroon din ang COMELEC ng presidential debates sa Luzon at Visayas, at isang vice presidential debate sa Manila. Layunin ng mga debateng ito na tulungan ang mga botante na kilalaning mabuti ang mga kandidatong tumatakbo para sa dalawa sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.