Aminadong hindi niya kayang agad na maisatinig ang laman ng kanyang isip sa loob ng 30 segundo, sinabi kahapon ng presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na posibleng hindi siya makadalo sa una sa serye ng debate ng mga kandidato sa pagkapangulo na idaraos sa Cagayan de Oro City sa Linggo.
Kinapanayam ng media sa Quezon City, duda si Duterte na maipaliliwanag niya ang kanyang opinyon sa mga isyung tatalakayin sa debate kung lilimitahan lang sa 30 segundo ang kanyang pagsasalita, at umaming kumpara sa kanyang mga “bright” na katunggali, kailangan niya ng mas mahabang oras.
Isang abogado, una nang nagbanta si Duterte na iboboykot niya ang debate kung hindi pahihintulutan ang mga local media na i-cover ang event.
“Hindi ako marunong magsalita, mga bright ang mga kaharap ko,” sabi ni Duterte. “Walkout ako sa oras na may time limit, at kung pagsalitain mo ako ng 30 seconds.”
Maging ang running mate niyang si Senator Alan Peter Cayetano ay kinuwestiyon ang time limit rule.
“Hindi naman ito labanan ng mga artista. Hindi ito labanan ng soundbytes, hindi ito game show,” ani Cayetano. “The rules should reflect the way that candidates can communicate with the people.”
Isa sa pinakamahuhusay na political debater sa bansa, tinukoy ni Cayetano ang US presidential debates na mas maraming oras ang ibinibigay sa bawat kandidato upang ipahayag ang kanilang opinyon.
Nabatid na hindi pa rin nareresolba ang pagkuwestiyon ni Duterte sa pagbabawal sa local media na mag-cover.
“I will not go there also. Pagkaganun, you limit the (press coverage). Why?” napaulat na sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag na nag-cover sa kanyang pagbisita kay Rev. Apollo Quiboloy noong nakaraang linggo. (BEN ROSARIO)