SA kabila ng pagtiyak ng Commission on Elections (Comelec) at ng Smartmatic na “secure” na ang Automated Election System (AES), lumulutang pa rin ang posibilidad na magkaroon ng dayaan sa 2016 polls. Ang ganitong pangamba ay nalantad sa Joint Congressional Oversight Committee hearing.
Sa naturang pagdinig sa Kamara, tahasang ipinahiwatig ni Dr. Pablo Manalastas na maaaring magkaroon ng dayaan sa halalan sa pamamagitan ng pagsasabuwatan ng Comelec at ng Smartmatic management upang papanalunin ang mga kandidato.
Totoo na may sapat na seguridad upang hindi makapandaya ang sinuman, subalit, binigyang-diin ni Manalastas, isang retiradong propesor sa Ateneo de Manila University Department of Information System and Computer Science, walang imposible sa taong gustong mandaya.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ipinagsisigawan ng ilang kandidato na kailangang sila ay manalo sa lahat ng paraan. Ibig sabihin, gagawin nila ang lahat upang makapandaya at magtagumpay sa eleksiyon.
Bantad na ang mga mamamayan sa ganitong nakadidismayang estratehiya ng mga kandidato. Hindi na natin nais masaksihan ang halalan na tinatampukan ng kaliwa’t kanang dayaan na kung minsan ay nababahiran pa ng sunugan ng mga ballot box at patayan ng magkakalabang partido.
Hindi natin malilimutan ang maanomalyang “Hello Garci” scandal noong magkalaban sa panguluhan sina dating Presidente Gloria Arroyo at Action King Fernando Poe, Jr., (FPJ). Nananatiling mga haka-haka ang sinasabing election fraud.
Subalit si Arroyo ang idineklarang nanalo ng Comelec samantalang si FPJ umano ang talagang panalo sa paningin ng sambayanan.
Maging ang halalan noong 2010 ay hinihinalang nabahiran din ng alingasngas sa pamamagitan ng PCOS. Subalit ito ay nananatiling haka-haka hanggang ngayong matatapos na ang panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon.
Lalong hindi natin malilimutan ang sinasabing malawakang dayaan noong snap presidential polls na pinaglabanan nina dating Pangulong Ferdinand Marcos at Presidente Cory Aquino. Naging dahilan ito ng People Power na kumitil sa diktadurya at nagbangon sa demokrasya.
Marapat lamang na mapawi ang mga pangamba ng mamamayan sa posibleng dayaan. Baka maulit ang kasaysayan.
(CELO LAGMAY)