Umaasa si Pangulong Benigno Aquino III na isusulong ng papalit sa kanya ang panukalang Bangsamoro Basic Law matapos ang bigong pagsisikap sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Sinabi ng Pangulo na umaasa siya na magiging unang agenda ng susunod sa kanya ang pag-apruba sa BBL upang maprotektahan ang mga natamong tagumpay sa prosesong pangkapayapaan.
At dahil nailatag na ng kanyang pamahalaan ang groundwork para sa kapayapaan sa Mindanao, sinabi ni Aquino na wala nang dahilan para sa susunod na administrasyon upang hindi isulong ang peace initiative sa Kongreso.
“Hindi tayo nag-umpisa sa susunod na administrasyon mula sa wala. Mag-uumpisa tayo na talagang kongkretong meron nang pinag-uusapan, tatapusin niya lang ‘yung pag-pe-perfect nitong batas na ito. At palagay ko kung sino man ang papalit sa akin, gagawin ko nang unang agenda iyan,” sabi ni Aquino sa panayam ng media kamakailan.
“Baka ‘yung iba kailangan na sila mismo ang lumikha. Ganun talaga ang sistema e. Pero walang makakapaliwanag kapag hindi pa naging batas ito sa susunod na administrasyon,” dagdag niya.
Habang nakabimbin ang pagpasa sa BBL, sinabi ng Pangulo na inutusan niya ang mga awtoridad na i-maximize ang delivery ng “peace dividends” sa nalalabing panahon ng kanyang termino. Sinabi ni Aquino na ang mga peace dividend na ito ay kinabibilangan ng social services at iba pang proyekto na naglalayong matulungan ang mga mandirigmang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na maging mga produktibong mamamayan.
Unang sinabi ni Pangulong Aquino na ang BBL pa rin ang pinakamainam na daan tungo sa kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao. (GENALYN KABILING)