TAMA umano ang posisyon ni Congressman Manny Pacquiao na hindi dapat pagpalain ng matrimonya ang mga taong pareho ang kasarian. Maging ang simbahan ay sumasang-ayon sa kanya. Sina presidential candidate Mar Roxas, VP Binay at Sen. Miriam Santiago ay tutol din sa same-sex marriage gaya ni Pacquiao.
Hindi naman isyu kung tama o mali ang paniniwala ng kongresista. Ang isyu ay iyong paraan ng paghayag niya ng kanyang pagtutol sa same-sex marriage. Mahirap nga naman tanggapin ang sinabi niyang masahol pa sa hayop iyong nagpapakasal at nagsasama bilang mag-asawa na pareho ang kasarian.
Dahil dito, nagsabi na ang Ladlad, grupo ng mga transgender na mangangampanya ito laban kay Pacquiao na kumakandidato sa pagkasenador. Binitawan na si Pacquiao ng mga kumpanyang kanyang iniindorso katulad ng Nike. Mabuti nga’t hindi naisip ng mga nasaktan ng kongresista na ikampanya para i-boycott ang napipintong laban niya kay Timothy Bradley. Pero, may nagmungkahi na sa kongresista na iurong na niya ang labang ito. Ang idinadahilan ng mga nagpanukala nito ay nagkakaroon daw siya ng bentahe sa kanyang mga kalaban. Magkakaroon siya ng libreng media mileage sanhi ng pag-aanunsiyo ng kanyang laban. Samantalang ang mga kalaban niya sa pulitika ay gumagastos na sa kanilang mga propaganda materials, kontrolado pa ang pagpapakalat ng mga ito.
Dalawang bagay ang nakikita ko sa panukalang ito. Una, hindi lang ang bansa natin ang may komunidad ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender). Kalat ito sa buong daigdig at malakas ang kanilang samahan para maging isang puwersa laban kay Pacquiao. Baka dumugin siya saan man siya magpunta at magprotesta laban sa kanya sa lugar mismo kung saan idaraos ang laban nila ni Bradley. Ikalawa, baka sa mga batikos pang kanyang tatanggapin at mga protestang magaganap ay maapektuhan siya sa laban at matalo. Alinman sa dalawa, hindi maganda ang epekto nito sa kanyang kandidatura. Panahon na para malaman ni Pacquiao ang kanyang kakayahan at limitasyon. (RIC VALMONTE)