Inginuso ni dating Metro Rail Transit (MRT) Line 3 General Manager Al Vitangcol si Liberal Party standard bearer Manuel “Mar” Roxas II bilang nasa likod ng umano’y iregularidad sa multi-milyong pisong MRT-3 maintenance contract.

Sa affidavit na kanyang isinumite sa Korte Suprema bilang suporta sa motion for reconsideration sa kasong inihain laban sa kanya ng Office of the Ombudsman, sinabi ni Vitangcol na sadyang binalewala ni Roxas ang procurement request para sa MRT-3 na naging ugat ng paulit-ulit na aberya na nararanasan sa biyahe nito.

Pumalag si Vitangcol sa hindi pagdawit ng Ombudsman kay Roxas at sa iba pa nang kasuhan siya ng Office of the Ombudsman sa kontrobersiya.

“I am the only DoTC official charged by the Ombudsman despite the unmistakable knowledge, involvement, participation and instruction of my superiors in the DoTC headed by former Sec. Manuel ‘Mar’ A. Roxas II, current Secretary Joseph Emilio ‘Jun’ A. Abaya, Undersecretary for Legal Affairs Atty. Jose Perpetuo M. Lotilla and Undersecretary Rene K. Limcaoco, who should have been the ones brought to justice for gross and inexcusable inaction if not willful and deliberate manipulation of the events and processes related to the maintenance of MRT-3,” saad sa affidavit ni Vitangcol.

National

Kahit nagpapagaling: Doc Willie Ong, pinapanalanging maging maayos na sina PBBM at VP Sara

Aniya, dapat ay si Roxas at ang tatlong nabanggit na opisyal ang panagutin dahil sa umano’y kapabayaan at pagmamanipula sa proseso sa pag-apruba sa maintenance contract ng MRT-3.

Umapela si Vitangcol sa Korte Suprema na bigyang-halaga at tanggapin ang kanyang affidavit sa kanyang kahilingan sa pagpapalabas ng isang temporary restraining order (TRO) at injunction sa kanyang kaso.

Nagsilbi bilang general manager ng MRT-3, si Vitangcol at ang limang iba pang opisyal ng Philippine Trans Rail Management and Services Corporation ay kinasuhan ng kasong graft and corruption dahil sa pagkakaloob ng maintenance contract ng MRT-3 sa isang kontratista nang hindi umano idinaan sa public bidding. (REY PANALIGAN)