Binigyan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng dagdag na P3 milyong pondo ang Philippine Weightlifting Association (PWA) para tustusan ang delegasyon na sasabak sa International Weightlifting Championship sa Abril sa Uzbekistan.

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na inilaan ng ahensiya ang pondo upang makalahok ang koponan na kinabibilangan ni Rio Olympics aspirant Nestor Colonia.

“It goes to show that we are really supporting our athletes in their Olympic qualifying bid,” sambit ni Garcia.

“Kaya nga kahit na team event iyong sasalihan ng mga weightlifters at magpapadala sila ng 10 atleta pero si Colonia lang pala ang makakakuha ng qualifying points ay inaprubahan na ang kanilang pagsali,” aniya.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ang delegasyon ng PWA ay binubuo ng 10 atleta na sasabak sa espesyal na torneo na team competition kung saan nakataya ang mga importanteng ranking points na kinakailangan ni Colonia. Makakasama ng delegasyon ang tatlong coach at dalawang opisyal.

Si Colonia, nagnanais makasama sa pambansang delegasyon sa Rio ay matatandaang nagwagi ng tansong medalya sa men’s 56-kg clean and jerk sa ginanap na World Championships sa Houston, Texas at kasalukuyang ranked No. 4 sa listahan ng IWF.

Gayunman, hindi kasya ang kanyang tansong medalya para makasiguro ng silya sa Olympics sa Agosto 5-20 kung kaya’t kailangan pa niyang makakuha ng karagdagang puntos. (Angie Oredo)