Isang lalaki ang inaresto sa loob ng Metropolitan Trial Court (MTC) sa Caloocan City nitong Miyerkules, matapos na magpanggap na abogado sa isang paglilitis.

Kinilala ni Senior Supt. Bartolome R. Bustamante, ng Caloocan City Police, ang suspek na si Joaquin L. Misa, Jr., na nagpanggap na abogado ng isang “Norito Fruto”, sa pagdinig sa Caloocan City MTC Branch 84.

Nakasuot pa ng Barong Tagalog, inaresto si Misa nina PO3 Noel Sta. Ana Vitug, at PO1 Marlon Dominong Bungihan, ng Caloocan City Police-Station Investigation Division, base sa reklamo ni Atty. Roderick Mazanu.

Bilang miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), napag-alaman ni Manzanu sa IBP na hindi tunay na abogado si Misa ngunit madalas itong dumalo sa pagdinig sa mga korte.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Tinanong namin sa Supreme Court at Office of the Bar Confidant at lumitaw na hindi siya (Misa) nakalista sa Roll of Attorneys,” ani Manzanu.

Naghain ng reklamo si Manzanu laban kay Misa sa Caloocan City Police at nang malaman na dadalo ito sa isa pang pagdinig ay ipinaaresto na niya ang suspek.

Bagamat walang ipinakikitang identification card, nagpakilala ang suspek bilang “Atty. Joaquin V. Misa” o “Atty. Joaquin Mesa,” ayon kay Manzanu.

Pumalag pa umano ang suspek nang aarestuhin ng pulisya at nagbitaw: “Ano ba kayong mga pulis, abogado ako at aarestuhin n’yo ako? Ipadi-dismiss ko kayo!” (Ed Mahilu)m