BUKOD sa pahusayan ng mga plataporma sa pangangampanya ngayon para sa eleksiyon, isang labanan ng mga pagsusuri—sa ilegal na droga, medikal, at DNA—ang nagsisilbi ring hamon sa mga kandidato sa pagkapresidente at bise presidente.
Nagtatalumpati si Sen. Grace Poe sa Pangasinan noong nakaraang linggo nang hamunin niya ang kanyang mga katunggali na sumailalim sila sa drug tests. Aniya, mapatutunayan nito na hindi sila sangkot o gumagamit ng ilegal na droga.
Agad namang pinalagan ni Senate President Franklin Drilon, vice chairman ng Liberal Party, ang mungkahi ng senadora.
“I would like to think that having presented yourself as a candidate for the highest office in the land, you are not indulging in this vice. So I don’t see a need for a drug test,” aniya.
Gayunman, payag si Drilon na ilantad ang lahat ng datos na medikal ng mga kandidato. Ito rin ang naging hamon ng pambato ng LP na si Mar Roxas matapos na ang paborito niyang kritiko, si Mayor Rodrigo Duterte, ay napaulat na nagkasakit—na ipinaliwanag ng kampo ng alkalde na isa lamang pagsakit ng ulo dahil sa migraine. Nauna rito, tinanggihan naman ni Sen. Miriam Defensor Santiago ang panawagan na ilahad niya ang mga detalye ng kanyang pagpapagamot sa cancer, sinabing isang paglabag sa karapatang pantao ang obligahin siyang isapubliko ang kanyang medical records.
Ang usapin naman sa DNA (deoxyribonucleic acid) test ang sentro ng mga pagsisikap upang mapatunayan na si Senador Poe ay isinilang sa mga magulang na parehong Pilipino, kaya mangangahulugang siya ay natural-born. Ang usapin sa kanyang kuwalipikasyon sa pangunahing isyung ito ay dinidinig na ng Korte Suprema, at inihayag ng isang mahistrado na aktuwal na mapatutunayan sa DNA test kung tunay na natural-born citizen ang senadora at kuwalipikadong kumandidato sa pagkapangulo ng bansa.
Ang ikalimang kandidato sa pagkapresidente, si Vice President Jejomar Binay, ay hindi sangkot sa alinman sa mga usaping ito tungkol sa pagsusuri sa ilegal na droga o DNA, o maging tungkol sa kanyang kalusugan, bagamat siya ang pinakamatanda sa lahat ng kandidato sa edad na 73. Ngunit sinabi niyang hangad din niya ang transparency.
Sa kampanyahang ito para sa eleksiyon sa Mayo, susubaybayan ng mamamayan ang mga kandidato sa paglilibot ng mga ito sa iba’t ibang dako ng bansa, pakikinggang mabuti ang mga pinaplano ng mga itong gawin kapag nahalal, at dadamhin ang reaksiyon ng mga kapwa Pilipino hindi lamang sa mga ideya ng mga kandidato kundi maging sa mismong presensiya ng mga ito. Sa ngayon, ang panawagan para sa pagsasailalim sa iba’t ibang klase ng pagsusuri ay isa lamang maliit na usapin, ngunit maaaring maging mahalagang isyu na makaaapekto sa kalalabasan ng halalan.