Aalamin ng Commission on Elections (Comelec) kung labag sa election rules ang rematch nina Pambansang Kamao Manny ‘Pacman’ Pacquiao at Timothy Bradley sa Abril.

Ito ang reaksiyon ng Comelec sa pahayag ni dating Akbayan Party List Rep. Walden Bello na hindi dapat ituloy ang Pacquiao-Bradley fight dahil pasok ito sa election period.

Ayon kay Bello, magiging unfair ito sa ibang kandidato dahil makagagamit si Pacquiao ng labis-labis na libreng air time dahil tiyak namang i-eere sa mga telebisyon at radyo ang nasabing laban.

Kaagad namang inatasan ni Comelec Chairman Andres Bautista ang Law Department ng poll body para pag-aralan ang isyu.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Inamin din ni Bautista na may “gray area” sa nasabing usapin dahil sa kawalan ng malinaw na rulings hinggil dito.

Aniya, ang nakasaad lang kasi sa Comelec rules ay kailangan maghain ng leave of absence sa kani-kanilang programa sa telebisyon at radyo ang mga kandidatong TV at radio personalities para hindi nila magamit ang air time sa pangangampanya.

Kinakailangan ding pansamantalang itigil ng isang kandidatong may ineendorsong produkto ang kanyang endorsement sa panahon ng kampanyahan.

Kasabay nito, hinikayat ni Bautista si Bello na pormal na ihain sa Comelec ang kanyang reklamo hinggil sa usapin.

(MARY ANN SANTIAGO)