Butuan City -- Inaasahang mababalewala ang malamig na klima dito sa pagsikad ng LBC Ronda Pilipinas na magtatampok sa mga premyadong siklistang Pinoy, sa pangunguna nina 2014 champion Reymond Lapaza at beteranong si Lloyd Lucien Reynante.

Hahataw ang Ronda – siniksikan ng inobasyon sa programa – simula bukas para sa Mindanao leg.

“Nakatutok talaga kami sa Ronda simula pa lamang ng training namin,” pahayag ni Reynante, lalarga para sa koponan ng Standard Chartered-Philippine Navy team.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Sasalihan namin ang tatlong leg as part of our training. Alam ninyo naman kasi na talagang kakaunti lang ang mga international standard na karera dito sa atin at bihira na magkaroon ng mga time trial at criterium,” aniya.

Ang Philippine Navy-Standard Insurance-Chartered ay kinabibilangan din ni 2015 individual champion Santy Barnachea.

Gayunman, hindi pa sigurado kung makakalahok si Barnachea para ipagtanggol ang korona dahil hinati-hati ngayong taon ang karera para sa tatlong magkakahiwalay na stage champion.

Ito ang unang pagkakataon sa ikaanim na edisyon ng Ronda Pilipinas na tatlo ang tatanghaling kampeon base na rin sa hangad ng nag-oorganisang LBC at LBC Express na pagtuunan ang pagpapalaganap ng sports sa mga lalawigan.

“There’s no violent reaction yet on having three champions but we received good feedback on the concept of having three regional champions and including other events in cycling and on the community ride,” pahayag ni LBC Ronda sports development head Moe Chulani.

Maliban sa pagdadagdag sa bagong format at inobasyon, isinama ng Ronda ang mountain bike race sa bawat yugto ng karera na sanctioned ng PhilCycling at suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp.,Maynilad at NLEX.

Opisyal na magsisimula ang Ronda sa Pebrero 20 sa isang road race mula Butuan City pabalik, saka isasagawa ang isang criterium sa siyudad sa Linggo . Sisikad ang ITT sa Dahilayan, Manolo Fortich sa Pebrero 25 bago matapos sa isang criterium sa Malaybalay sa Pebrero 27.

Ang Visayas Leg ay binubuo ng Stage One criterium sa Bago City, Negros Occidental sa Marso 11, Stage Two criterium sa Iloilo City sa Marso 13, ang Stage Three road race mula Ilolilo tungo Roxas City sa Marso 15, ang Stage Four criterium at ang Stage Five ITT na gagawin sa Roxas sa Marso 17.

Kukumpletuhin ang Ronda ng Luzon Stages na binubuo ng Stage One criterium sa Paseo sa Sta. Rosa, Laguna sa Abril 3, ang Stage Two ITT mula Talisay hanggang Tagaytay sa ikalawang araw, sunod ang Stage Three criterium sa Antipolo City sa Abril 6, ang Stage Four road race mula Dagupan paakyat sa Baguio sa Abril 8 at ang Stage Five criterium sa City of Pines. (ANGIE OREDO)