Makalipas ang halos dalawang linggong “hunger strike”, nagdesisyon ang dalawang empleyado ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na itigil na ang kanilang protesta dahil sa patuloy na pangdededma ng gobyernong Aquino na tugunan ang kanilang hinaing.
Mistulang nauwi sa wala ang ikinasang protesta nina Chito Patingo at Alvin Faeldo, kapwa prison guard ng NBP, sa hirit sanang modernisasyon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Pebrero 2 nang naghain ng leave of absence sina Patingo at Faeldo upang mag-hunger strike sa harap ng NBP gate, na sinuportahan pa ng 578 bilanggo na nagsagawa ng rally sa minimum security compound.
Panawagan sa gobyerno ng mga ito, ipatupad na ang RA 10575 (The Bureau of Corrections Act of 2013) na magpapaganda sa mga pasilidad ng piitan, gagawing propesyunal at dadagdagan ang suweldo at benepisyo ng mga empleyado, gayundin ang pagpapatupad ng mga reporma sa BuCor.
Inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang RA 10575 noong 2013 subalit hindi ito naipatupad nang pangkalahatan simula noon. (Bella Gamotea)