MAY ilang linggo nang umuusok ang usapan tungkol sa parusang bitay. Kailangan na nga ba itong ipatupad sa ating bansa o mananatili pa rin ang paniniwala natin na sapagkat tayo ay bansang Katoliko, kailangan nating pahalagahan ang buhay?

Naging sunud-sunod ang karumal-dumal na krimen sa ating bansa na hindi dapat balewalain. Halos oras-oras ay laman sa mga diyaryo, radyo, at telebisyon ang iba’t ibang krimen. Walang araw na walang nangyayaring krimen sa ating bansa.

May mga kasong panggagahasa at pagkatapos ay binagsakan ng malaking bato sa ulo, mag-aanak na nilooban at pagkatapos ay pinagpapatay, anak na pinagbabaril o pinagtataga ang mga magulang, amang sinaksak o sinakal.

Grabe na nga ang mga nangyayaring karahasan at krimen ngayon. Kapag dumilim na nang konti ang paningin ay sobra na ang tahip ng dibdib mo sa takot na baka sa paglalakad mo ay makasalubong ka ng bangag at mapagtripan ka at bigla ka na lamang barilin o kaya’y paluin ng dos por dos.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

At ang karamihan sa mga nagaganap na krimen ay sanhi ng nakakagulat na pagdagsa ng droga sa bansa. Sa kasalukuyan ay wala na yatang lugar sa ‘Pinas na hindi sinasakop ng mga adik at pusher. At ang balita pa ay nakaabot na rin ito sa PULITIKA.

Sa katotohanang iyan ay maitatanong, kailangan na bang ibalik ang parusang BITAY? Sa ibang bansa ay legal ang ganitong kaparusahan. Sa China, sa Middle East, at iba pang lupalop ng mundo ay umiiral ang parusang ito at katunayan ay hindi iilang Pinoy ang sumailalim sa ganitong parusa. At ang karamihan ay PUGOT-ULO.

Dati ay legal sa ating bansa ang bitay. Ngunit hindi nabawasan ang bilang ng krimen kaya sinasabing hindi ito epektibo at alisin na lamang. Hindi ito nakababawas sa pagsugpo sa krimen. Pero maling paniniwala.

Ang anumang kaparusahan kapag hindi ipinatutupad ay walang magiging epekto. May parusa tayong bitay noon ngunit dahil naging tambak na ang mga nahatulan ay IISA ang binitay. Lahat ay napantot lamang sa loob ng bilangguan at hindi binitay. Sa katotohanang iyan ay ano ang magiging epekto ng bitay kung walang bibitayin?

Ang kailangan natin sa panahong ito ay ibalik ang BITAY at bawat mahatulan ay BITAYIN upang maging aral na sa bawat buhay na inutang ay may katumbas ding buhay. (ROD SALANDANAN)