SA nakalipas na mga linggo, naging abala ang media sa mga ulat tungkol sa pagkalat ng Zika virus, na ang mga huling kaso ay naitala malapit na sa Pilipinas, Thailand, Singapore, at China. Nananatiling ang Brazil ang pangunahing apektado ng pandaigdigang emergency, at sa huling tala ng health ministry nito noong nakaraang linggo ay lumobo na sa 4,314 ang kaso ng Zika, na 462 sa mga ito ang kumpirmadong kaso ng microcephaly o ang pinsala sa utak ng mga sanggol ng mga ina na naapektuhan ng virus.
Makikita sa mga litrato ng mga apektadong sanggol ang epekto ng microcephaly – maliliit ang ulo, na nangangahulugang mas maliit ang utak ng mga ito. Bukod sa microcephaly, naidudulot din ng Zika virus ang tinatawag ng mga doktor na Guillain-Barre Syndrome, na inaatake ng immune system ng katawan ang nervous system, at nagbubunsod ito ng panghihina ng mga kalamnan at pagkaparalisa.
Natukoy sa mga paunang ulat ang lamok na Aedes, na nagpapakalat din ng dengue fever, bilang pangunahing dahilan sa mabilis na pagkalat ng virus. Ngunit batay sa mga huling ulat, naihahawa rin ang Zika sa palitan ng mga likido ng katawan, partikular sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Dahil dito, nanawagan ang United Nations Population Fund sa mga gobyerno na paigtingin ang kani-kanilang mga pagsisikap upang matiyak na may access ang publiko sa reproductive health services, partikular na sa contraceptives. Nag-alok pa ang non-government organization (NGO) na Women on Web, na nakabase sa Netherlands, na tutulungang magpalaglag ng sanggol ang mga buntis na naapektuhan ng Zika.
Agad namang kinontra ng ilang mambabatas ang panawagan ng UN gayundin ang alok ng Dutch organization, at ipinaalala ang masalimuot na paglalaban ng mga nagsusulong at tumututol sa Reproductive Health Law, na inaprubahan ng Kongreso noong nakaraang taon sa harap ng mariing pagkontra rito ng Simbahang Katoliko. Tinanggihan na rin ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang alok ng Dutch NGO, at sinabing, “Right now we are not in grave danger of Zika and science may yet find a solution.”
Tunay namang nakababahala ang patuloy na pagkalat ng epidemya ng Zika sa iba’t ibang panig ng mundo. Umasa tayong magiging matagumpay ang kampanya sa pagpuksa sa mga lamok, gayundin ang mga pagsisikap upang makalikha ng bakuna laban dito. At ating ipanalangin na hindi na kailangan pang umabot sa punto na wala na tayong magagawa kundi pahintulutan ang alok ng UN Population Fund at ng Dutch NGO.