Sa kabila ng mga natatanggap na batikos, nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na hindi na gagamitin ang vote receipts o voter verification paper audit trail ng vote counting machines sa Mayo 9.
Aminado si Comelec Chairman Andres Bautista na maganda ang pag-iimprenta ng resibo pagkatapos bumoto ng isang botante ngunit kapag in-activate ito ay mas marami silang nakikitang problema kaysa solusyon.
Giit ni Bautista, maaaring maging sanhi pa ng mahabang pila at pagkaantala sa botohan ang vote receipts dahil kakain ito ng maraming oras. Posible ring magamit ito sa vote buying.
“Sa aming pag-aaral, mas maraming disadvantage kaysa advantage sa pag-iimprenta ng resibo. Baka ito’y (resibo) maging sanhi ng delay at pagkakaroon ng mahahabang pila sa araw ng halalan. Ayaw nating gawing ito’y (paglalabas ng resibo) dahilan para patigilin ang pagboto,” paliwanag ni Bautista.
Kumpiyansa si Bautista na sa kabila ng hindi paggamit ng vote receipts ay walang dayaang magaganap sa halalan.
(Mary Ann Santiago)