Ginapi ng National University Bulldogs ang last year’s Final Four rival University of Santo Tomas, 25-21, 27-25, 25-15, kahapon upang maibalik ang nawalang kumpiyansa matapos masilat sa University of the Philippines kamakailan sa UAAP Season 78 men's volleyball tournament sa The Arena sa San Juan.
Matapos ang dikit na laban sa unang dalawang set, kumawala ang Bulldogs sa ikatlong frame para tuluyang tuldukan ang paghahangad ng karibal na makahirit ng set sa laban na umabot lamang ng isang oras at dalawang minuto.
Nanguna si Bryan Bagunas sa Bulldogs sa naiskor na 17 puntos, habang kumana si Gampong ng 15 puntos.
Nagpiyesta ang Bulldogs spikers sa impresibong 32 sets ni team captain Vince Mangulabnan.
"Sabi ko nga sa kanila kailangan natin matuto, hindi pwedeng ganun lang ang nilalaro natin kasi na-tsambahan, na-tsambahan yung game natin eh. Dapat every time sigurado sa galaw para pagdating ng semis or makapasok kami ng semis, matured na yung team," pahayag ni coach Dante Alinsunurin.
Bunsod ng panalo, naging siksikan ang unahang upuan sa team standings kasama ng NU ang Ateneo, Adamson at UP na pawang may 3-1 karta.
Tanging si Tyrone Carodan ang umiskor ng double-digit sa Tiger Spikers na lumagapak sa 1-3 marka.
Sa iba pang laro, nasundan ng University of the Philippines ang malaking panalo sa NU nang pabagsakin ang La Salle, 25-23, 25-21, 21-25, 27-25.
Hataw si Wendel Miguel sa Maroons sa naiskor na 15 puntos, habang nag-ambag si John Mark Millete ng 13 puntos.