Winalis ng National University ang University of the Philippines, 4-0, para manatiling nangingibabaw sa men’s division ng UAAP Season 78 chess tournament kamakailan sa Henry Sy Sr. Hall sa La Salle campus.

Nagsipagwagi sina IM Paulo Bersamina, FM Austin Literatus, Vince Medina, at Angelo Mansanero para sa Bulldogs, na nakatipon ng 4-round total na 13.5 puntos.

Sa iba pang men’s match, ginapi ng University of Santo Tomas ang Adamson University, 3-1, para manatiling nasa ikalawang puwesto na may 11 puntos; pinataob ng Far Eastern University ang defending champion De La Salle, 3-1, at pinayukod ng Ateneo ang University of the East, 3-1.

Sa kasalukuyan, mayroon nang natipon ang Green Archers na 9.5 puntos para sa ikatlong puwesto, kalahating puntos na kalamangan sa fourth-running Tamaraws (9.0).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa women’s division, tinalo ng defending champion FEU ang NU, 3.5.-.5 upang masolo ang pamumuno sa natipong 12.5 puntos.

Nanaig sa kani- kanilang katunggali sina WIM Janelle Frayna, WFM Shania Mendoza at Gladys Romero para sa Lady Tamaraws habang naka-draw si Joribene Bonifacio kontra kay Venice Vicente para makaiwas sa shutout ang Lady Bulldogs.

Pinadapa ng De La Salle sa pangunguna nina WIM Bernadette Galas at WFM Marie Antoinette San Diego ang UP, 3.5-.5’ para tumabla sa UST na nagtala naman ng 3-1 panalo kontra UE, sa ikalawang posisyon makaraang makatipon ng 11.5 puntos.

Sa isa pang women’s match,nablangka ng Adamson University ang Ateneo, 4-0. (MARIVIC AWITAN)