‘NARCO Politics’? Ano bang klaseng hayop ito? Ito ang pinakahayop sa lahat ng hayop hindi lamang sa ‘Pinas kundi maging sa buong mundo. At ngayong panahon ng halalan, maliwanag pa sa sikat ng araw na nangyayari na ang tinatawag na ‘Narco Politics’.
Nauna itong lumitaw sa ibang bansa, partikular na sa Columbia. Sa bansang iyon nagmula ang Narco Politics at minanipula nito ang halos 90 porsiyento ng droga, katulad ng cocaine, na pumapasok maging sa United States. Halos umabot sa may $100 billion ang kinanta ng grupong ito na kumokontrol sa droga. At ang yamang buhat sa ipinagbabawal na gamot ay lumagom maging sa pamahalaan at pulitika.
Upang magkaroon ng masasandalan at tagapagtanggol kung magkaroon ng problema ay pinasok ng grupo ang pulitika.
Ginastusan nila ang mga pulitikong inaakala nilang mahahawakan nila sa ilong kapag nanalo. Iyan ang simula ng Narco Politics.
Ang katotohanan ng problemang ito ay ibinulgar na ni Sen. Grace Poe at sinundan ni Mayor Rodrigo Duterte. Na sa kasalukuyan, ayon sa mga ito, buhat nang putulin ang PDAP, ang mga salaulang pulitiko ay nanghawakan na sa droga at sa mga drug lord para sa kanilang mga gagastusin sa pangangampanya. Sa madaling salita, halos kitang-kita na ang ebidensiya na napasok na ng droga o ng mga drug lord ang pulitiko at darating ang araw, kapag nagtagumpay ang programa ng mga drug lord na ito, ang buong bansa ay magiging napakalaking palengke ng droga na lahat halos ng mga mamamayan ay DUROG o BANGAG.
Wala nang mangangahas na kumontrol o humuli sa mga ito sapagkat mayroon na silang makapangyarihang masasandalan at tagapagtanggol. Ang droga na ang mamamayani, at ang ‘Pinas ay magiging isang munting Impyerno ng mga buhay.
Salamat sa dalawang presidentiable at iminulat sa atin ang lihim na katotohanang iyan. At kung ito ay magkakatotoo, dapat na bantayan natin ang kilos ng ating mga kandidato. Hindi maitatago ng sinumang kandidato ang kasalanang iyan kaya dapat na hindi sila tangkilikin.
Sa mga nagsisiskandidato sa panguluhan, suriin natin ang plataporma lalo na ang tungkol sa pagsugpo sa droga. Hindi dapat magwagi ang mga kandidatong may programang nakatuon lamang sa mga karaniwang problema at direksiyon. Dapat na ang maging pangunahing layunin nila ay ang DURUGIN ang mga drug lord na siyang maghahasik ng lagim at salot sa bansa.
(ROD SALANDANAN)