RIO DE JANEIRO (AP) — Hindi kayang pigilan ng Zika Virus ang paninindigan ni dating World No.1 Rafael Nadal para sa sports.

At maging ang hindi inaasahang buhos ng ulan ay magiging sagabal sa ratsada ng Spaniard tennis icon sa Rio Open nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Umusad si Nadal sa pamamagitan ng 6-1, 6-4 dominasyon sa kababayang si Pablo Carreno sa torneo na nabitin ng ilang oras matapos ang hindi inaasahang pag-ulan.

Naging kampeon si Nadal sa Beijing Olympics noong 2008, ngunit hindi niya ito naidepensa noong 2012 London Games bunsod ng injury. Ngayong taon, walang dahilan para hindi siya pumalaot sa laban sa Rio Olympics.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“The Olympics is a very important event, a very special one, and I’m going to try my best when the Olympics arrive,” pahayag ni Nadal.

“But for now I’m playing the ATP tournament in Rio. That’s the most important thing for me,” aniya.

Nakatakda ang Olympics sa Agosto 5-20.

Umusad din sa susunod na round sina No. 2 David Ferrer, nagwagi kontra Nicolas Jarry ng Chile, 6-3, 7-6 (3), gayundin si No. 5 Dominic Thiem, namayani kay Pablo Andujar ng Spain, 6-3, 6-4.

Nasilat naman ni Federico Delbonis ng Argentina si sixth-seeded Jack Sock ng United States, 7-5, 6-1, habang naungusan ni Alexander Dolgopolov si No. 8 seed Thomaz Bellucci, 6-7 (3), 7-5, 6-2.