“HINDI na yata ako sanay,” nakangiting wika ni Marian Rivera-Dantes nang salubungin ng executives ng GMA Entertainment TV at ilang entertainment press sa executive lounge ng GMA Network. “Parang ang tagal kong nawala.
Salamat sa muli ninyong pagsalubong sa akin.”
Mas lalo yatang gumanda si Mrs. Dantes at parang hindi nanganak kay Baby Letizia noong November 23, 2015, bumalik agad ang kanyang magandang katawan. Kaya ang unang tanong sa kanya, kung paano niya pinaghandaan ang muling pagbabalik.
“Wala naman, hindi nga ako puwedeng mag-exercise at mag-diet dahil nagpapadede ako ng anak ko. Three months nang walang formula na tini-take si Baby Zia. Siguro totoo iyong kapag nagbi-breastfeed ang isang nanay, hindi siya tumataba. Everyday, wala namang bawal na food sa akin lagi lamang may sabaw ako ng malunggay, hindi ako nagsasawa doon dahil kailangan iyon para sa gatas na marami ang dibdib ko.”
Madaling ini-announce ni Ms. Lilybeth Rasonable ng GMA ETV ang tatlong projects na gagawin ni Marian.
“Sa Sunday, February 21, balik na siya as Judge MD sa comedy-variety show na Sunday Pinasaya. Magkakaroon din siya ng isang talk show na ibi-base sa kanyang experiences as a wife and mother. At ang very special role sa isang epic serye na unang ipinalabas ten years ago, ang Encantadia na siya ang tanging kinonsidera for the role of Ynang Reyna, because she is the epitome of a diwata. Magkakaroon din siya ng isang drama series, pero saka na natin iyon pag-uusapan,” pahaya ni Ms. Lilybeth.
Hirap si Marian na iwanan ang anak kaya paano ang gagawin niya kapag nagsimula na siyang mag-taping?
“Hindi ko nga basta maiwanan si Zia, may times na naiiyak pa ako kapag aalis ako. Wala akong yaya, kaya tutulungan ako ng mga mama at lola ko. Like ngayon, kasama ni Zia si Mama (Amalia) at Lola Iska ko. Noong isang beses naman, umalis kami ni Dong si Mommy Angeline (mom ni Dingdong) ang kasama niya. Napakabait at considerate ng GMA sa akin dahil pinayagan nila akong magkaroon ng cut-off sa taping ko. Sa Sunday Pinasaya, may two hours lang akong rehearsal tuwing Sabado at four hours sa live show namin ‘pag Sunday. Kahit sa locations ng taping, ihahanap nila ako kung saan malapit, para hindi ako mahirapang umuwi.”
Dadalhin ba niya si Baby Zia sa location kapag nagti-taping na siya?
“Hindi siguro. Minsan kasi isinama namin siya ni Dong sa pictorial ng bago naming endorsement, nang umuwi kami, napansin ko parang pagod na pagod siya, wala naman siyang ginawa, kaya sabi ko, hindi siya puwedeng isama, sa bahay na lang siya.”
May ilang kuwento rin si Marian tungkol sa asawang si Dingdong, labis-labis ang pasasalamat niya sa pagiging very supportive nito sa kanya.
“Si Dong, kahit nasaan iyan, dadaan siya sa bahay para tingnan lamang at kausapin si Zia, ‘tapos aalis na siya. Si Zia naman, ang daldal na, tawa nang tawa, kapag binati na ng daddy niya. Hindi siya umiiyak, kahit noong bininyagan siya, maliban na lamang kapag siguro gutom na gutom na siya.
“Napaka-thoughtful ni Dong. Noong Valentine’s Day may dumating na napakagandang bouquet sa bahay, sabi lamang sa card kung puwede akong maka-date, walang name ng nagpadala. Sinabi ko agad sa asawa ko, bakit walang name ng nagpadala. Natawa siya, purple daw siguro iyong sender. Sabi ko, purple, babae ang nagpadala? ‘Ikaw naman, isosorpresa ko sana sa ‘yo, ako ‘yan.’ Kaya pala purple ang shirt na isusuot niya sa date namin. Hanggang ngayon, lagi pa rin akong sinusorpresa ni Dong.”
May mga bagong endorsement na si Marian, meron din silang magkasama ni Dong, si Baby Zia, may mga offers na rin ba ng endorsementst?
“Meron na pero gusto naming palaki-lakihin muna siya, wala pa kaming tinatanggap sa mga offers.”
Hindi rin masyadong nagtagal si Marian, kaya sabay-sabay na ang interview sa kanya ng TV at entertainment press. Kasabay namin siyang naghintay ng elevator kaya naipakita niya sa amin ang magagandang pictures ni Baby Zia. May araw daw na kamukha niya ang anak, minsan naman kamukha ni Dingdong. Siguro raw kapag lumaki-laki pa si Zia, makikita na kung sino talaga ang kamukha.
Natawa si Marian nang mabasa ang text ng mama niya na sabi, ‘umuwi ka na, ubos na ang gatas na iniwanan mo.’
Nag-pump lamang daw siya ng gatas na iniwanan niya sa anak. (NORA CALDERON)