Hindi na si Top Rank boxer Diego Magdaleno ng United States ang kakasahan ni Edward Mansito ng Pilipinas matapos ikansela ang kanilang laban sa Linggo sa Phoenix, Arizona.
Muling magbabalik si Mansito sa Mexico para kasahan si one-time world title challenger Alberto Guevarra na kapatid ni dating WBC light flyweight champion Pedro Guevarra na kakasahan naman ni two-time world title challenger Jether Oliva na isa ring Pilipino sa Linggo sa Lobodome, Mazatlan, Mexico.
Ito ang ikatlong sunod na laban ni Mansito sa Mexican boxers matapos una siyang kumasa at natalo sa puntos kay world rated Rey Vargas noong Mayo 23, 2015 sa Centro de Espectaculos del Recinto Ferial sa Metepec, Mexico.
Sumunod niyang hinarap si ex-WBC super flyweight champion Tomas Rojas na natalo siya sa 6th round TKO sa kanilang laban para sa bakanteng WBC Continental Americas featherweight crown noong Oktubre 17, 2015 sa Veracruz, Mexico.
Ang batang Guevarra, 25, ay dating WBC International Silver bantamweight champion na natalo sa kampeong si Shinsuke Yamanaka ng Japan sa sagupaan sa Tokyo noong Nobyembre 10, 2013.
May rekord si Guevarra na 23-2-0, tampok ang 9 na TKO, samantalang si Mansito ay may kartadang 13-3-2, kabilang ang 7 TKO.
Sa main event ng Mexico vs Philippines rivalry, magsasagupa ang nakatatandang Guevarra at Olivo para sa WBC International flyweight title. (gilbert espeña)