Sentro ng atensiyon ang mga foreign rider, sa pangunguna ni defending champion Thomas Lebas ng France, sa pagsikad ng 7th Le Tour de Filipinas ngayon sa pasulong na bahagi ng Antipolo City patungong Lucena City para sa Stage 1 na may distansiyang 153.53 kilometro.
May 15 Pinoy rider mula sa tatlong koponan ang magtatangkang makasingit sa laban at mabigyan ng magandang laban ang mga dayuhang kalahok sa bikathon na inorganisa ng Ube Media Ang karera na inorganisa ng UBE Media Inc., sa pangangasiwa ni Dona Lina at sanctioned ng International Cycling Federation (UCI).
Katuwang din sa torneo na bahagi ng Asian Tour calendar ang Petron, MVP Sports Foundation, Smart, Cargohaus, NMM, UFL, Philippine Airlines, Collab Printing Solutions, Autonation, Orangefix at Phenom.
Mangunguna para sa mga Pinoy ang unang Filipino champion ng Le Tour na si Jonipher Ravina mula sa Seven Eleven SAVA RBP. Sabak din ang National Team ng PhilCycling at Team Kopiko-Cebu.
Gugulantangin ang mga deboto ng Our Lady of Good Voyage sa pagputok ng ‘starting gun’ sa ganap na 8:30 ng umaga.
Kabilang din sa mga dayuhang koponang kalahok sa karerang may kabuuang distansiyang 704.34 kilometro ang Team Novo Nordisk (USA), Kinan Cycling Team (Japan), Terrenganu Cycling Team (Malaysia), Hsyport Look Cycling Team (China), Team Ukyo (Japan), Dutch Global Cycling Team (Holland), Vinno 4-Ever Sko (Kazakhstan), Attaque Team Gusto (Chinese Taipei), Skydive Dubai Pro Cycling Team (UAE), LX-IIBS Cycling Team (South Korea) at Oliver’s Real Food Racing (Australia).
May layong 204.82 km ang Stage Two mula Lucena City hanggang Daet at babagtas sa paligid ng pamosong Sierra Madre.
Kasunod naman kinabukasan (Sabado) ang Stage Three mula Daet hanggang Legaspi City sa Albay na may distansiyang 185.79 kilometro bago ang pagtatapos ng karera sa araw ng Linggo para sa 160.20 kilometrong padyakan sa kapaligiran ng Mayon Volcano. (MARIVIC AWITAN)