Sinampahan ng kasong kriminal sa Sandiganbayan ang dating alkalde ng Consolacion, Cebu dahil sa pagbabanta sa mga magsasaka ng mais, pitong taon na ang nakararaan.

Kinasuhan ng Office of the Ombudsman ng one count of grave coercion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Avelino Gungob Sr., dating mayor ng Consolacion.

Inirekomenda ng Ombudsman ang P12,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Gungob sa kasong grave coercion at P30,000 naman para sa graft case.

Ito ay matapos akusahan ng Ombudsman si Gungob ng paglabag sa karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupang sakahan sa Barangay Danlag.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Lumitaw sa imbestigasyon ng Ombudsman na noong Agosto 26, 2009, noong alkalde pa si Gungob ng Consolacion, nagtungo ang akusado sa Barangay Danlag at kinumpiska ang mga gamit na pangsaka at tinabunan ng lupa ang maisan na walang legal na basehan.

Ayon sa Ombudsman, natabunan ng lupa ang mga mais na sana’y aanihin na nang mangyari ang insidente.

Sinabi ng Ombudsman na binantaan pa umano ni Gungob ang mga magsasaka na sila ay ipaaaresto kung patuloy silang magtatrabaho sa naturang lupa. (Jeffrey G. Damicog)