Apat lang sa 13 Pinay massage therapist na nasawi sa sunog sa Capitol Hotel sa Erbil, ang kabisera ng Kurdistan region sa Iraq noong Pebrero 5, ang miyembro at makakukuha ng benepisyo mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Lumitaw sa record na hindi kasapi ng OWWA ang siyam sa mga nasawing Pinay kaya hindi makatatanggap ng ayuda ang pamilya ng mga ito mula sa ahensiya.

Makatatanggap ang bawat naulilang pamilya ng mga OWWA member nang P200,000 death benefit at dagdag na P20,000 para sa gastusin sa libing, bukod pa rito ang makukuhang entrepreneurial skills training at educational assistance ng dependents.

Upang matulungan ang pamilya ng siyam na OFW, hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Embahada ng Pilipinas sa Baghdad na kausapin ang employer ng mga biktima para sa tulong-pinansiyal.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, ang mga naulila ng hindi miyembro ng OWWA ay maaaring makakuha ng ayuda mula sa National Reintegration Center for OFWs (NRCO).

Hapon nitong Pebrero 13 nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga labi ng 13 Pinay, sakay ng Emirates Airways flight EK 332, matapos sagutin ng kanilang employer ang gastusin sa repatriation.

Nadiskubre naman ng DFA na sumailalim sa irregular recruitment channels ang 13 OFW patungong Erbil. (Bella Gamotea)