CEBU CITY – Hinimok ng Maritime Industry Authority (Marina)-Region 7 ang mga shipping company sa Central Visayas na tapyasan ang singil sa pasahe at kargamento sa harap ng patuloy na pagbulusok ng presyo ng petrolyo.
Sa isang panayam, sinabi ni Jojo Cabatingan, tagapagsalita ng Marina-Region 7, na positibo naman ang kinahinatnan ng apela ng ahensiya makaraang dalawang shipping company sa Cebu ang nagpahayag ng kagustuhang magpatupad ng bawas-pasahe, alinsunod sa kahilingan ng Marina.
Inihayag ng shipping firm na Metro Ferry, na nangangasiwa sa mga ferry boat na bumibiyahe mula sa Cebu City hanggang sa Mactan Island at pabalik, na magbabawas ito ng P1 sa pasahe. Dahil dito, nasa P13 na lang ang sisingilin sa mga pasahero sa nasabing ruta.
Sinabi naman ng Light Shipping na magbabawas ito ng 10 porsiyento sa singil sa pasahe ng mga cargo vessel nito.
Nilinaw ni Cabatingan na kinailangang umapela ng Marina-Region 7 sa mga shipping company dahil walang kapangyarihan ang ahensiya para magtakda ng pasahe sa rehiyon. (Mars W. Mosqueda, Jr.)