Matapos magkainitan sa eleksiyon noong 2013, inihayag ni dating Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri na natuldukan na ang hidwaan nila ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, at ngayo’y nagtutulungan upang isulong ang pagsasaayos ng Mindanao.

Ito ang paglilinaw ni Zubiri matapos ihayag ni Pimentel na inilaglag ng Team Duterte ang dating senador at 11 iba pang tumatakbo sa national position.

Mapait man ang pangyayari, sinabi ni Zubiri na tanggap niya ang desisyon ni Pimentel, at ng tambalan nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano, na mga front runner ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na huwag siyang suportahan at ang kapwa senatorial aspirants na sina Sandra Cam at retired AFP chief of staff General Dionisio Santiago.

Sa kabila nito, tiniyak nina Cam at Santiago ang kanilang suporta kay Duterte dahil sa matibay na paninindigan ng alkalde sa pagsugpo sa kriminalidad.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Subalit hiniling ni Cam kay Pimentel na huwag hadlangan ang pag-endorso ni Duterte sa kanya at sa kanyang kasamahan na dating kabilang sa Team Duterte senatorial slate.

Bukod sa kanya, sinabi ni Cam na sinusuportahan din ni Duterte ang senatorial bid nina dating Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan at dating Manila Councilor Greco Belgica.

“We do respect the decision of PDP-Laban president Koko Pimentel. But Mayor Duterte has personally endorsed us, we do not need the endorsement of the party,” pahayag ni Cam, na kandidato rin ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) na pinamumunuan ni Manila Mayor Joseph Estrada. (Ben Rosario)