Hinamon ng isang condominium unit-owner sa Korte Suprema ang legalidad ng memorandum ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa condominium dues.

Nagsampa ang abogadong si Fritz Bryan Anthony Delos Santos, anak ni Court of Appeals (CA) Associate Justice Edgardo Delos Santos, ng 16-pahinang petition for certiorari, na kinukuwestiyon ang legalidad ng Revenue Memorandum Circular (RMC) 65-2012 ni BIR Commissioner Kim Jacinto Henares sa paglabag sa Konstitusyon.

Ikinatwiran ni Delos Santos, nagmamay-ari ng isang unit sa Classica Tower 2 Condominium sa Makati City, sa kanyang petisyon na nakagawa ng paglabag ang BIR sa pag-iisyu nito ng nasabing RMC na pinalalawak ang sakop ng National Internal Revenue Code (NIRC), na tanging legislative department ang maaaring magpasa.

Dahil dito, hiniling ni Delos Santos sa SC na ideklarang “void” ang BIR memo at bilang “invalid subordinate legislation for unduly expanding, modifying, altering and amending Sections 105 and 108 of the National Internal Revenue Code pertaining to the provisions on the value-added tax (VAT).”

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Ipinunto ni Delos Santos na ang association dues ay hindi maaaring ituring na “gross receipts” sa konteksto ng VAT dahil ang mga ito ay hindi service fee, renumerations o considerations na kinikita mismo ng condominium.

Oktubre 31, 2012 nang naglabas si Henares ng RMC No. 65-2012 na nagpapataw ng 12% VAT sa association dues na binabayaran ng condominium unit owners. (Leonardo Postrado)