ANG paglalakbay ay isang tradisyon ng aking pamilya. Taun-taon, kami nina Cynthia, Mark, Paolo at Camille ay naglalakbay sa iba’t ibang bansa upang matutuhan ang ibang kultura.

Isa sa mga bansa na kamangha-mangha para sa akin ay ang Japan. Maraming magagandang lugar doon, gaya ng Sapporro, Kyoto, Nara, at Hokkaido, ngunit ang nakaaakit sa akin ay ang Tokyo.

Ang nakaaakit sa Tokyo ay ang kakayahan nito na maging livable kahit na ito ay isang megalopolis o higanteng lungsod. Sa aking pananaw, maraming mapupulot na aral sa Tokyo at magagamit ang mga ito sa Metro Manila upang ito man ay maging livable.

Ang populasyon ng Tokyo ay 13.5 milyon noong 2015. Umaabot ito sa halos 15 milyon sa araw dahil sa mga manggagawa at mag-aaral na nanggagaling sa ibang lugar.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kabilang dako, ang Metro Manila, na may populasyong 12M, ay sinasalot ng mga problema sa transportasyon, krimen, polusyon, at iba pa.

Batay sa ulat na “Building Better Cities” ng Pricewaterhouse Coopers, ang Maynila ay ika-22 at ang Cebu ay ika-26 sa 30 lungsod na sakop ng nasabing pag-aaral.

Sa listahan naman ng 2015 Quality of Living, ang Maynila ay nasa ika-136 na puwesto sa 230 lungsod, at ika-44 ang Tokyo.

Ang Tokyo ay lungsod ng mga riles, at may 900 istasyon ng tren. Ang Shinjuku station, halimbawa, ay pinakaabalang transport hub sa daigdig, ayon sa Guinness World Records, dahil dinaraanan ito ng 3.6M pasahero araw-araw.

Sa maraming pagbisita ko sa Tokyo, nasubukan ko ang sumakay sa mga tren sa matumal na oras at kahit sa rush hour.

Ang una kong napansin ay ang kalinisan ng mga istasyon at ng mga tren. Pangalawa, ang mga pasahero ay pumipila at hindi nagkakagulo. Panghuli, napaka-efficient ng sistema ng tren.

Sa Metro Manila, tanggap na natin na napakaraming tao rito napiling manirahan. Ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamalaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa sa antas na 36.3% ng gross domestic product noong 2015. Dahil dito, maraming Pilipino ang nagtutungo sa Metro Manila sa pag-asang dito sila makakakita ng maayos na hanapbuhay upang makaahon sa kahirapan.

Habang hinihintay natin na mapaunlad ang mga lugar sa labas ng NCR, kailangang gawing angkop na tirahan ang ating mga lungsod.

Naniniwala ako na kaya nating maging magalang at hindi kailangang makapanakit para makarating sa trabaho. Ito ang maganda sa Tokyo: lahat ay nagmamadali, ngunit laging magalang. (MANNY VILLAR)