KAHIT ipinangangalandakan ng kasalukuyang administrasyon na nakaahon na ang Pilipinas mula sa pagkakalugmok sa mga problema, milyun-milyon pa rin ang mahihirap na pamilyang Pilipino.

Pinatutunayan ng 2014 National Economic Development Authority (NEDA) statistics na 5.7 milyon ang walang sariling tahanan, kabilang dito ang mahigit tatlong milyong informal settlers o iskuwater na nakatira sa mga siyudad at kanayunan. Bukod pa rito ang 100,000 pamilya na naninirahan sa mga danger zone katulad ng mga estero at daluyan ng tubig. Patunay ito na hindi sila gaanong napag-uukulan ng pansin ng gobyerno. Ang paglutas sa problemang ito na palubha nang palubha ay isang malaking hamon sa susunod na administrasyon.

Sa bahaging ito, inaasahang magiging epektibong katuwang ang Pabahay Party List sa paglutas ng tumitinding housing problem. Ang naturang partido, na nagkataong kinabibilangan ng nominadong si Atty. NR Joaquin, Jr., ay maghahain ng mga panukalang-batas na magpapalawak sa oportunidad ng mahihirap na makinabang sa low-cost housing program. Mahigit sa 100 milyon ang kasalukuyang populasyon ng bansa. At palaki nang palaki ang bilang ng mga maralita na marapat lamang paglaanan ng low cost mass housing.

Nakalulungkot na ang karamihan sa mga sinalanta ng super-typhoon Yolanda sa Tacloban City ay nananatiling nakatira sa mga evacuation center o bunk houses. Ibig sabihin, hindi pa naipagagawa ang kanilang mga bahay kahit na limpak-limpak na pondo ang nailaan ng gobyerno, kabilang na ang mga naiambag ng iba’t ibang dayuhang bansa. Kahit na ang itinatatag na ahensiya na pinamunuan ng isang housing czar ay tila naging inutil sa implementasyon ng naturang housing program. Hindi ba ito maituturing na isang criminal neglect?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang pagkakaroon ng maayos at ligtas na tahanan ay karapatan ng ating mga kababayang maralita. Ito ay marapat maging prayoridad ng administrasyon. At tulad sa ibang mauunlad na bansa, sana ay dumating ang panahon na ang bawat pamilyang Pilipino ay mamuhay na may dignidad, sapat na pagkain sa hapag at masinop na bubungan para sa kanilang pamilya.

Alang-alang sa mga dukhang iskuwater, kabilang na ang ilan nating mga kamag-anak, katanggap-tanggap ang pagmamalasakit ng Pabahay Party List. (CELO LAGMAY)