RANCHO MIRAGE, Calif. (AP) — Binuksan ni President Barack Obama ang pagpupulong ng mga lider mula sa 10-nation bloc ng mga bansa sa Southeast Asia nitong Lunes, tinawag ang makasaysayang pagtitipon sa Amerika na salamin ng kanyang personal commitment sa matatag na samahan sa iba’t ibang grupo ng mga bansa.

Ang dalawang araw na pag-uusap ni Obama at ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay sesentro sa ekonomiya at mga isyu ng seguridad sa rehiyon.

Sa isang maikling talumpati habang nakaupo ang mga lider sa hugis horseshoe na mesa, sinabi ni Obama na naging pamilyar siya sa Southeast Asia noong siya ay bata pa at naninirahan sa Indonesia kasama ang kanyang ina. Simula nang siya ay maging pangulo, ilang beses na bumiyahe si Obama sa mga bansa sa Asia-Pacific bilang bahagi ng kanyang polisiyang “pivot” patungo sa rehiyon, sa layunin na tiyakin na hindi masiraan ng loob ang mga kaalyado sa agresibong presensiya ng China sa lugar habang umaani rin ng maganda para sa ekonomiya ng U.S.

“You and the people of ASEAN have always shown me extraordinary hospitality and I hope we can reciprocate with the warmth today and tomorrow, which is why I did not hold this summit in Washington,” sabi ni Obama.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“It is cold there. It’s snowing, so welcome to beautiful, warm Sunnylands,” wika niya. Ang Sunnylands ang makasaysayang California desert estate naroon mag-uusap ang mga lider sa isang conference center na mula rito ay matatanaw ang San Jacinto Mountains na binabalutan ng niyebe.

Binigyang diin ang relax na kapaligiran, lahat ng mga lider ay nakasuot ng open-collar shirt sa loob ng kanilang suit.

Ito ang unang pagkakataon na ang mga lider ng Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand, Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar at Cambodia ay nagdaos ng stand-alone meeting sa U.S. Ang China ay hindi miyembro ng ASEAN, ngunit pag-aangkin nito ng teritoryo sa mga pinag-aagawang bahagi ng tubig ay ikinabahala ng mundo at nagpatindi sa tensiyon sa ilang kasaping bansa.

Nakatuon ang mga pag-uusap nitong Lunes sa ekonomiya. Matapos ang working dinner, ang mga pag-uusap sa Martes (Miyerkules sa Pilipinas), ang huling araw ng summit, ay babaling sa mga isyu ng seguridad sa rehiyon, kabilang na ang South China Sea at counterterrorism.

Sinabi ng China na batay sa kasaysayan, mayroon itong karapatan sa buong South China Sea at nagtayo ng pitong artipisyal na isla, na ang ilan ay mayroong mga paliparan, upang ipahayag ang soberanya nito. Inaangkin din ng Taiwan at mga miyembro ng ASEAN na Brunei, Malaysia, Vietnam at Pilipinas ang ilang isla sa mayamang karagatan, na mahalaga sa kalakalan ng mundo.

Kahit na hindi claimant, tutol ang U.S. sa mga ginagawa ng China na ikinagagalit naman ng Beijing. Iginiit ng U.S. na resolbahin ang mga isyu sa karagatan sa mapayapang paraan at inaasam na magkakaisa ang ASEAN upang ayusin ang mga gusot alinsunod sa pandaigdigang batas. Umiwas ang ASEAN na batikusin ang China sa mga inilabas na pahayag sa mga nakaraang summit.