ANG Arab Spring, ang sunud-sunod na paglulunsad ng mga rebolusyonaryo at malawakang kilos-protesta laban sa ilang dekada nang pamumuno sa Middle East at North Africa, ay nagsimula noong huling bahagi ng 2010. Sa sumunod na dalawang taon, maraming diktador ang napatalsik sa kapangyarihan sa Tunisia, Eyypt, Libya, at Yemen. Nagkaroon din ng mga pag-aaklas ang mga sibilyan sa Bahrain at Syria, at malawakang mga kilos-protesta sa Algeria, Iraq, Jordan, Kuwait, Morocco, at Sudan. Kalaunan ay nanamlay na rin ang mga protesta sa harap ng marahas na pagkontrol ng mga estado noong 2012, na nagbunsod sa tinatawag ng iba na Arab Winter.
Ngunit nagpapatuloy hanggang ngayon ang mga paglalaban sa Syria, nag-iisa na lang sa lahat ng bansang Arabo. Sa pamamagitan ng Syrian Civil War ay isinilang ang dalawang malalaking pagbabago na, bawat isa, ay nagsilbing banta sa pandaigdigang kapayapaan at katatagan. Ang isa ay ang pagsilang ng Islamic State at ng brutal na mga pagkilos nito. Ang isa naman ang malawakang paglikas ng mga Syrian at ng iba pang refugees patungong Europe.
Ang Islamic State, isa sa mga puwersang rebelde na lumalaban kay Syrian President Bashar Al-Assad, ay kumalat na ngayon ang impluwensiya sa hilagang Iraq at ang ideyolohiya at mga gawain nitong extremist ay napaulat na kumakalat na rin sa Asia, kabilang na ang Pilipinas. Gayunman, isa lamang ito sa maraming grupo na nakikipaglaban sa gobyernong Syrian. Karamihan sa ibang grupo ng mga rebelde ay suportado ng Amerika at ng mga bansa sa Europe. Mas naging kumplikado pa ang digmaan sa pagsuporta ng Russia kay Al-Assad, sa paraan ng air strikes laban sa mga rebelde.
Dahil sa mga paglalaban na ito, at mga pag-atakeng nagmumula sa lahat ng panig, milyun-milyong Syrian ang naghahangad na makapagsimulang muli sa Europe, tinatawid ang Mediterranean Sea sakay ng maliliit at mahihinang bangka upang makasumpong ng matutuluyan sa mga estado sa Europe, na maiintindihang pumapalag sa dagsa ng maraming migrante.
Hangad ngayon ng mga pinakamakakapangyarihan sa mundo na matuldukan na ang giyerang sibil sa Syria, at magtulung-tulungan upang maresolba ang problemang dulot ng Islamic State, gayundin ang maramihang paglilikas. Nitong Biyernes, nagkasundo ang pinakamakakapangyarihang bansa na magsimula sa loob ng isang linggo ang tuluyang pagtatapos ng mga pag-atake at karahasan. Gayunman, hindi inaasahan ni US Secretary of State John Kerry na magtatagumpay ang kasunduang ito. Isa sa mga dahilan ang pahayag ng Russia na hindi nito titigilan ang pambobomba sa mga kaaway, bilang suporta kay President Al-Assad.
Limang taon na ang nakalipas mula nang magsimula ang kaguluhan sa Syria. At napakaraming perhuwisyo ang idinulot nito sa maraming bansa, kabilang na ang sa atin. Nakikiisa tayo sa pag-asam at pananalangin, kasama ang buong mundo, na makatutulong ang kasunduan noong nakaraang linggo ng pinakamakakapangyarihang bansa upang tuluyan nang magkaroon ng kapayapaan sa Syria.